Paano at bakit ako naging aktibista

Posted: November 27, 2012 in All in a day's work, Socio-Political

Talumpati sa Forum on Democratization

UP Diliman Sociology Department ,

Setyembre 23, 2012

Magandang umaga po. Ako si Renato Reyes, Jr, isang aktibista na ngayon ay secretry general ng Bagong Alyansang Makabayan. Ngayong 2012 ang ika-20 taon ko bilang aktibista. Maikling panahon pa rin ito kung tutuusin, kumpara sa maraming namulat nung dekada ’60,  ‘70 at ’80 na hanggang ngayon ay kumikilos pa rin.

Nagsimula ang aking involvement sa UP Diliman noong taong 1992, nung freshman ako sa College of Business Administration. Sumapi ako sa League of Filpino Students sa aking ika-3 araw sa kolehiyo.

Lumahok ako matapos kong makita ang isang lightning rally sa University Theater pagkatapos ng freshman orientation. Ang protesta ay laban sa Tuition Fee Increase o TFI. Kami ang unang batch na nakaranas ng P300 per unit, na sa panahong  iyon ay medyo mabigat lalo’t sa mga naunang taon ay P200/unit lang, at bago pa yun ay P40 per unit lang.

Noong una akong sumali sa LFS, aaminin kong medyo na-culture shock ako sa mga aktibista. Galing ako sa isang Catholic school para sa mga lalaki. Kakaiba para sa akin yung mga tibak, at marahil yung UP sa kabuuan.

Sa unang tingin, parang  merong fashion sub-culture yung mga tibak. Gulo-gulo ang mga buhok, punit-punit ang mga pantalon, naka-tsinelas o minsan Our Tribe sandals, o Chuck Taylor sneakers, may tubao, may batik shirt. Pero kung tutuusin, di naman nalalayo ang itsura nila sa mga kilalang personalidad noon sa campus tulad ng Erasersheads, Yano at si Romeo Lee (na mas wild ang itusra noong una kong nakasabay sa jeep).

Yun unang nakausap kong mga tibak, kakaiba din. Yung isa may bandage ang buong braso. Yung isa naman may mahabang scar sa kanyang mukha. Naisip ko, susmaryosep, ang tindi siguro ng mga rally dispersal na dinanas nila. Kinalaunan, malalaman ko na wala palang kinalaman sa rally ang kanilang mga injury. Vehicular accident at rumble ng frat pala ang sanhi.

Unti-unti, nakasalamuha ko ang mas maraming mga aktibista mula sa iba’t ibang kolehiyo. Napagtanto ko na yung problema pala ng UP sa tuition fee increase at mga bulok na facilities ay may kaugnayan din sa mga pambansang patakaran. Sa patakaran sa pambansang budget, sa pagbabayad ng utang at iba pang  panlipunang usapin. Nakita rin namin yung iba pang realidad sa loob at labas ng campus. Medyo nabawasan yung mga stereotype sa mga aktibista ko nung mas malapitan ko na silang makilala.

Nakita ko na may komunidad pala sa loob ng UP campus na dine-demolish din. May mga unionized workers na kinakailangang mag-welga dahil sa di makatarungang mga patakaran sa trabaho. Unang piketline na napuntahan ko ay yung sa mga nagwelgang pampublikong guro habang nasa Philippine Independent Church sila sa Taft Avenue. Nakalahok din kami sa welga sa SM, sa San Miguel dyan sa Aurora Blvd at sa PasVIl  sa may Novaliches. Nakasalamuha din namin ang mga magbubukid mula Gitnang at Timog Luzon.

Nakasama ako sa welga ng mga workers ng SM noong 1994, at dalawang beses na nakaranas ng dispersal sa loob ng SM North (at dahil sa trauma at inis ay ilang buwan din kaming di nanood ng sine dun). Nakaranas na rin ako ng dispersal sa mismong kahabaan ng riles ng LRT sa Maynila.Dun naman sa welga sa Manila Hotel natutuo kaming tumakbo hanggang may lupa dahil hinahabol kami ng mga malulupit na pulis. Nakaranas na rin kaming ma-water cannon, sa loob ng UP campus (Pres. Javier oathtaking).  At syempre, naranasan ko na ding maaresto habang nag-rarally.

Sa mga panahong ito, nakilala ko ang iba’t ibang sektor, mga ordinaryong manggagawa, magsasaka, mga urban poor, mga teachers, health workers at iba pa. Naunawaan ko yung motibasyon nila sa pagpo-protesta. Laging may malalim na batayan kung bakit sila nagpo-protesta, kung bakit kailangang mag-welga, hunger strike, barikada at iba pang porma ng collective action. Kadalasa’y hindi nakasasapat ang mga umiiral na mekanismo ng gobyerno, lalo pa’t hindi pumapabor halimbawa ang sistema ng hustisya para sa mga mahihirap. O di naman kaya masyadong malakas ang pwersa ng employer, o ng landlord kung kaya’t tanging sa sama-samang pagkilos lang pwedeng maisulong yung interes ng mga sektor.

Ah oo nga pala, yung usapin ng interes. Nakita namin yung pag—iral ng mga magkatunggaling interes. Yung interest ng mga makapangyarihan sa ekonomiya at pulitika ay taliwas o kontra dun sa nakararaming inaapi; tulad ng panginoong maylupa at magsasaka sa Hacienda Luisita, yung mga malalaking kapitalista tulad nina Danding Cojuango at Henry Sy at ang kanilang mga manggagawa.

At nakita ko rin na yung pag-protesta ay isang bahagi lamang ng mas malawak na gawain. Malaking bahagi ng oras namin ay inilalaan sa pag-oorganisa, sa edukasyon, sa pagkausap sa mga tao, sa pagbubuo ng mga samahan.

Nabawasan din yung angas naming mga estudyante lalo’t sa maraming pagkakataon, mas malalim ang pagkaka-alam ng mga inoorganisa namin kesa sa aming mga estudyanteng peti-burgis. Mas natutuo kami sa karansan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang maralita.

Isa sa mga inilatag na tanong ng porum na ito ay ang pangangailangang magprotesta at magbuo ng kapangyarihan laban sa mga umiiral na institusyon ng gobyerno. Sa iba’t ibang pagkakataon, kailangan ng mga protest actions para:

  1. maipanalo ang mga immediate demands ng mga sektor sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos na magbibigay ng pressure sa mga kinauukulan
  2. maipahayag sa mas makararami ang mga layunin ng kilusan
  3. ma-organisa at ma-konsolida ang mga lalahok tungo sa mas pangmatagalang paglaban

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ay nape-pressure ang mga kinauukulan, ang gobyerno, ang administration, ang landlord, para ibigay ang collective demand ng mga nagpo-protesta. Esensyal ito lalo’t kung aasa lang sila sa legal struggle sa mga korte at ahensya ng gobyerno, malamang hindi papabor sa kanila ang resulta.

Sa proseso ng mga actions na ito, naitatambol sa iba pang sektor ang pangangailangan ng pagkilos. Halimbawa yung pakikibaka at tagumpay ng mga magbubukid sa Hacienda Luisita ay nagsisilbing inspirasyon sa iba pang magbubukid na kumilos din.

Ang mga protesta ay hindi lamang para sa kagyat na mga kahilingan. Paraan din ito para ma-organisa ang mga kalahok. Dito nakikita ng mga tao na may kapangyarihan sa kanilang sama-samang pagkilos, na taglay nila ang tunay na kapangyarihan labas sa mga instrumento ng gobyerno.  Ito yung gusto nating i-develop na empowerment, yung sa pamamagitan ng mga organizations, unions at asosasyon. Kinalaunan, magiging mas malakas ito sa kapangyarihan ng mga naghaharing iilan sa lipunan.

Sa history natin, nagkaroon tayo ng mahabang period ng mass protests laban sa Martial Law at Marcos dictatorship, na humantong sa Edsa 1. May nangyari ding Edsa 2. May naganap ding protest movement laban kay GMA, na tumagal bilang pangulo mahigit 9 na taon. Nagkaroon din ng malakas na protest movement para mapatalsik ang base militar ng US sa ating bansa.

Lumalahok din ba kami sa eleksyon? Oo naman, dahil isang larangan din iyon para maisulong ang interests ng iba’t ibang sektor. May mga local elective posts na nilalahukan, at meron din yung tinatawag na partylist system kung saan may maliit na puwang ang mga marginalized sectors para makapsok ng Kongreso. Pero sa pangkalahatang iskema ng mga bagay-bagay, hindi yung elections ang pangunahing pokus ng gawain namin. Yung pagkakaroon ng elective positions, halimbawa sa partylist system, nakakatulong yun, pero marami ding limitasyon ang larangang iyon. Yung mga traditional parties and personalities, yung mga ruling class pa rin ang dominante sa larangang iyan. At kahit yung maliit na espasyo para sa mga marginalized at underrepresented, winawasak na rin ngayon lalo’t marami nang partlylist reps ang di naman talaga marginalized dahil mga impluwensyal at mega-rich sila. Idagdag pa natin na ang AFP ay nangangampanya laban sa mga progresibong grupo.

Sa dakong huli, ang usapin talaga ay tanging ang mamamayan ang makakapagpalaya sa kanyang sarili, at magagawa lamang ito sa sama-samang pagkilos.

Nung naging aktibista kami 20 taon na ang nakaraan, hindi naman namin hangad na mahalal sa gobyerno o maging bahagi ng gobyerno tulad ng ibang grupo dyan. Ang hangad namin ay makaambag sa pagpapalakas ng kilusan nang mamamayan nang sa gayon ay mapalitan nito ang bulok na umiiral na sistemang panig lamang sa iilan.

Tulad nyo, marami din akong agam-agam noon, marami din akong stereotypes. Hindi ko naman kayo masisisi. Pero bukod sa impresyon na ang mga aktibista ay pampatrapik lang sa kalsada, mahalagang ang papel ng kilusang ito sa pagsisiwalat ng mga isyu, pakikipaglaban para sa kagalingan ng iba’t ibang sektor, at sa pagtutulak ng tunay at makabuluhang pagbabago. At sana po ay maging bahagi din kayo ng kilusang ito.

Maraming salamat po.

About these ads

Comments are closed.