Pagpupugay kay Monico Atienza, kaibigan at dakilang guro ng mga kabataan

Posted: January 25, 2007 in Uncategorized

Renato M. Reyes, Jr.

Tagapagtatag na pangulo ng Anakbayan

 

Si Nick Atienza ay maituturing na dakilang guro ng mga kabataan, sa loob man o labas ng classroom. Para sa aming henerasyon ng mga aktibista hindi man kami naka-enroll sa kanyang mga klase ay tiyak namang nabahagian niya kami ng maraming kaalaman hinggil sa lipunan at rebolusyon.

 

Mahigpit at kailanman ay hindi naputol ang ugnayan ni Nick at ng mga kabataan, mula noong dekada ’80 sa UP hanggang sa dekada ’90 sa panahon ng kilusang pag-aaral at pagwawasto.

 

Kilala si Nick ng marami bilang guro ng wikang Pilipino at PI 100, ang teacher na madaling lapitan pag kailangan mag-room to room ng mga tibak. Pag kailangan ng klaseng ire-require na dumalo sa forum o makikinig sa discussion group, si Nick ang laging takbuhan ng mga kabataan. Pag kailangang humiram ng aklat, tulad ng Lipunan at Rebolusyong Pilipino, si Nick pa rin ang puntahan. Pag kailangan ng speaker para sa commemoration ng First Quarter Storm, siya palagi ang nasa unahan ng listahan.

 

Kilala din si Nick bilang “dakilang guarantor” ng mga student loans. Madalas niyang sinasalo ang mga student loans dahil may ilan na nagiging delingkwente sa pagbabayad. Kasama sa mga di nakakabayad yung mga student loans ang mga tibak na nag-fulltime na sa kanayunan. Syempre napapa-iling na lang si Nick sa mga bayarin, pero alam mong kahit papaano ay masaya na rin siya dahil may mga kabataang nag-fulltime.

 

Pero marahil hindi pa alam ng marami na si Nick ay gumampan din ng susing papel sa pagtatayo ng organisasyon ng Anakbayan.

 

Bilang dating pangkalahatang kalihim ng Kabataang Makabayan noong dekada ‘60, si Nick ang isa sa mga naging pangunahing tagapayo namin sa Anakbayan National Organizing Committee. (Ang isa pang tagapayo syempre ay yung tagapagtatag ng pangulo ng KM). Sa panahong itatayo na ang AB, halos linggo-linggo ang talastasan namin hinggil sa pagbubuo ng bagong organisasyon.

 

Inilinaw niya sa amin ang mga panuntunan sa oryentasyon ng isang komprehensibong organisasyon ng kabataan, at kung paano magpaandar ng organisasyon, mula sa paano mag-recruit , paano magpatakbo ng isang chapter, paano magpalawak at paano ibwelo ang makapangyarihang kilusang masa. Ang kanyang maliit na silid sa Faculty Center ay nagsilbing classroom para sa mga bagong Anakbayan tulad ko.

 

Dumalo siya at nagbigay ng mensahe sa kumperensya ng pagtatatag ng Anakbayan noong Nobyembre 1998 sa Tondo upang talakayin ang kasaysayan ng KM at mga hamon sa Anakbayan.  

 

Huli kaming nagkausap ni Nick noong Nobyembre 25, 2006, ilang araw bago ang pinagsabay na anibersaryo ng KM at Anakbayan, sa book launching ng Dakilang Alay, ang libro ng mga kabataang martir na nilabas ng Anakbayan. Malaki ang naitulong niya sa pagluluwal ng aklat na iyon. Tumula pa nga sya sa book launching, kahit halos wala nang boses.

 

Sa aklat ng Dakilang Alay, binigay ni Nick sa mga kabataang martir ang kanyang “walang katapusang paghanga at pagpupugay”.

 

Sa pagkakataon ito, hayaan mo Nick na kami naman ang mag-alay sa iyo ng “walang katapusang paghanga, pagpupugay at pag-iipong lakas.” Hayaan mong kami naman ang magpasalamat sa iyong dakilang alay sa bayan at rebolusyong Pilipino.

Comments
  1. adarna says:

    favorite speech ko yung kay prof. leoncio co saka ni ma’am judy taguiwalo. nakakatuwa. saka kilala talaga nila si sir nick.

    kelan kaya tayo makakabisita uli?

  2. Ms. Judith Cabanilla says:

    Si Sir Monico Atienza ang isa sa pinakamahusay na gurong nakilala ko sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa kanya ko unang naranasan ang pagsagot sa mga recitation sa labas ng klase, ibang klasng exam na hindi nangangailangan ng papel (utak at pananalita lamang) at paggawa ng mga required na gawain sa oras na hindi makakabigat para sa isang mag-aaral na gaya ko noon. sinasabi niya palagi sa klase namin, “kung nahihiya kayong sumagot sa harap ng inyong klase, o kaya’y kontrahin ang mga sinabi ko, wag kayong mag-atubiling puntahan ako sa aking silid sa A/S FC at doon natin talakayin ang inyong gusting talakayin tungkol sa aralin at ang inyong gagawin ay hindi mapapasawalang-kabuluhan. Sooooooobrang Baet na guro ni Sir Atienza, napakamapagmahal sa mga estudyante niya at napakamaunawain. Kahit akala mo ay babagsak ka na sa klase niya, hindi siya nawawalan ng dahilan para ikaw ay ipasa, basta’t makikita niya ang pagnanais mong makapasa.

  3. Ms. Judith Cabanilla says:

    Si Sir Monico Atienza ang isa sa pinakamahusay na gurong nakilala ko sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa kanya ko unang naranasan ang pagsagot sa mga recitation sa labas ng klase, ibang klasng exam na hindi nangangailangan ng papel (utak at pananalita lamang) at paggawa ng mga required na gawain sa oras na hindi makakabigat para sa isang mag-aaral na gaya ko noon. sinasabi niya palagi sa klase namin, “kung nahihiya kayong sumagot sa harap ng inyong klase, o kaya’y kontrahin ang mga sinabi ko, wag kayong mag-atubiling puntahan ako sa aking silid sa A/S FC at doon natin talakayin ang inyong gusting talakayin tungkol sa aralin at ang inyong gagawin ay hindi mapapasawalang-kabuluhan. Sooooooobrang Baet na guro ni Sir Atienza, napakamapagmahal sa mga estudyante niya at napakamaunawain. Kahit akala mo ay babagsak ka na sa klase niya, hindi siya nawawalan ng dahilan para ikaw ay ipasa, basta’t makikita niya ang pagnanais mong makapasa. Huli kong nakita si Sir Atienza noong magpasa ako ng proyektong nasa CD-ROM para sa PI 100, ikalawang semestre, taong 2004-2005. Kamakailan lamang ay nakabasa ako ng bulletin sa friendster na nagsasabing may-sakit daw siya. Nalungkot ako, dahil para sa isang pasaway na estudyanteng kagaya ko, si Sir Atienza ay hulog ng langit.

  4. MARCELINO CUEVAS says:

    NINONG NICK, IT’S BEEN 35 SOMETHING YEARS THAT I HAVE NOT SPOKEN TO YOU SINCE I HAVE BEEN IN THE STATES. NAGTATAGALOG PA PO AKO.I HAVE 2
    DAUGHTERS,ZSA ZSA (17) AND MARISSA (14) I HAVE BEEN MARRIED FOR 19 YEARS,AND STILL MARRIED. MY WIFE’S NAME IS DANNI.
    “MAY GOD KEEP HIS HANDS OF BLESSINGS ON YOU”
    MARCELINO CUEVAS AND FAMILY
    P.S. I REMEMBER WHEN YOU USED TO GIVE ME RIDES ON YOUR MOTORCYCLE WHEN
    I VISITED THE PROVINCE.
    I LOVE YOU NINONG

  5. […] have written about my experiences with Nick in a previous post. His achievements in the national democratic movement are almost legendary. His sacrifices are […]

  6. […] ko nang makalimutang Mayo rin ng isilang si Monico Atienza, isang guro at […]

  7. wilma rivera-guarina says:

    saan nakalibing si sir monico, please? gusto ko sana dumalaw sa kanya minsan…thanks

  8. mabuhay ang isa sa mga limot na bayani na nag alay ng buhay para sa bayan. Mabuhay si Monico Atienza!