Tungo isang dekada ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya

Posted: November 27, 2007 in Socio-Political
Tags: ,

Mensahe sa ika-9 na anibersaryo ng ANAKBAYAN

Renato M. Reyes, Jr.

Tagapagtatag na Pangulo, ANAKBAYAN

Noong ikalawang hati ng taong 1998 ay binuo ang Anakbayan National Organizing Committee upang simulan ang pagkoordina ng pagbubuo sa pambansang saklaw ng isang komprehensibong organisasyon ng kabataang Pilipino. Ito na ang resulta ng pagkilala ng pambansa demokratikong kilusan sa pangangailangang pukawin, organisahin at pakilusin ang kabataang Pilipino, di lamang sa sektor ng estudyante, kundi pati ang mas malaking bilang ng mga kabataang manggagawa, magsasaka at kabataan sa komunidad at maging mga kabataang propesyunal.

Ang kilusang estudyante katuwang ang iba pang mga organisasyong kabataan ay kagyat na tumugon sa panawagan ng pagbubuo ng Anakbayan. Sa Pambansang Kongreso ng Bayan noong Hulyo 1998 ay nagkaroon din ng resolusyon upang ubos kayang tumulong ang mga kasaping organisasyon ng Bayan ang pagbubuo ng Anakbayan.

Noong una ay inakalang may katangiang “alyansa” at organisasyong masa ang Anakbayan, at tinawag pa nga itong “Alyansang ng Nagkakaisang Kabataan para sa Bayan”. Ipinagkamali na ang konsepto ng komprehensibong organisasyon ng kabataan ay mala-alyansa ang pakahulugan. Agad namang naiwasto ito at naipirmi ang Anakbayan bilang isang organisasyong masang tumitipon sa kabataan mula sa iba’t ibang uri o sektor.

Ang mga batayang dokumento ng Anakbayan ay hinalaw mula sa mga paglalagom ng kilusang kabataan at mula sa mga lumang dokumento ng Kabataang Makabayan noong 1964 at 1966. Kinonsulta ang mga personalidad tulad ni Prof. Jose Ma. Sison at si Prof. Monico Atienza kaugnay ng oryentasyon ng bagong bubuuing organisasyon. Si Prof. Sison ay tagapagtatag na pangulo ng KM habang si Ka Nick Atienza ay naging Pangkalahatang Kalihim ng KM noong 1968-70.

Bentahe ng Anakbayan na may mahaba at mayamang kasaysayan na ng kilusang kabataan sa Pilipinas kung kaya’t may mga prinsipyong gagabay sa pagbubuo ng organisasyon. Bentahe din na may pambansang latag ang kilusang pambansa demokratiko kung kaya’t tulong-tulong ang lahat sa pagbubuo ng Anakbayan.

Noong inihahanda ang Pambansang Kumperensya ng Pagtatatag, lubhang manipis pa ang pambansang istap ng Anakbayan. Nakiki-opisina lang ito sa Kilusang Mayo Uno sa may Morato,Quezon City. Nangutang pa ito sa Bayan para lang makapunta ng mga rehiyon para pag-isahin sila sa pagbubuo ng Anakbayan.

Ang mga kabataan sa National Capital Region, particular sa Tondo (League of Tondo Youth), ay malaki ang naitulong sa Pambansang Kumperensya ng Pagtatatag. Sila ang nagtaguyod sa pambansang pulong. Mula Nobyembre 28-29 ay nagpulong ang mga kinatawan ng iba’t ibang rehiyon at organisasyon ay nagpulong sa del Pan Sports Complex sa Tondo. Dahil wala naman pera para sa hotel o dorm, ang mga delegado ay natulog sa mga bahay ng baseng masa natin sa Tondo. Ang pagkain, syempre pa, pawang mga donasyon na pilit na pinagkakasya sa mahigit 100 na delegado at mga obserber.

Tema ng kumperensya ang pagtataguyod ng laban para sa “trabaho, lupa, eduasyon, karapatan at serbisyo” o kung tawagan ay TLEKS. Dito iikot ang mga partikular na isyung dadalhin ng Anakbayan sa pagbwelo nito bilang isang komprehensibong organisasyon.

Naantala ang sesyon ng kumperensya nang may ibang gumamit ng del Pan Sports Complex. Kinailangang mag-break dahil may mga magba-basketball at volleyball sa mismong lugar na pinagdadausan ng kumperensya. Nagkataon pa na pulis pala ang naka-skedyul na gumamit ng lugar noong hapon na iyon.
Nobyembre 30 ng umaga nang magmartsa ang mga kasapi ng bagong tatag na Anakbayan mula Plaza Moriones sa Tondo papunta ng Liwasang Bonifacio.

Dito unang isingaw sa rally ang pamilyar na “Lumalakas, lumalawak, lumalaban, Anakbayan!”

Ang unang logo ng Anakbayan ay letrang AB na may dilaw na tala. Hindi nagtagal ang disensyo dahil mukha daw itong logo ng gasolinahan o kaya’y tatak ng sapatos. Kinalaunan ay napopularisa na ang alibata ng letrang “K” bilang logo ng Anakbayan. Mas simple (lalo na sa O.P.) at ay may istorikal pang kabuluhan.

Pare-parehong natuto ang mga bagong kasapi ng Anakbayan sa aktwal na karanasan at praktika. Dahil lahat ay nagsisimula pa lang matuto, naging malaking hamon ang pagpapalawak at pagpapasigla ng organisasyon.
Ilan sa mga unang komunidad na naorganisa sa Metro Manila ay ang Pandacan, Payatas at Sampaloc. Ang unang HQ ng Anakbayan ay sa isang apartment sa P.Noval sa Sampaloc. Malapit lang ito sa detachment ng pulis at barangay hall. Mabuti na lang ay aktibista ng FQS ang baranggay captain. Sa kanto ng eskinita papasok ng opisina ay may nakatirang tsuper ng dyip. Ang kanyang lumang sasakyan ang siyang magsisilbing transportasyon ng Anakbayan sa lahat ng mayor na pagkilos sa panahon ni Estrada, mula rally sa Ayala hanggang sa EDSA 2 at maging “EDSA 3”.

Ang bahay sa P.Noval marahil ang pinaka-akmang HQ noong panahong iyon dahil nasa pusod ito ng komunidad, may tuwirang mao-organisa, malapit sa mga unibersidad at higit sa lahat, walking distance sa Mendiola.

Budget sa edukasyon, pagtaas ng presyo ng langis, demolisyon sa komunidad, pagguho ng bundok basura sa Payatas, ito ang ilan sa mga unang isyung tinanganan ng Anakbayan. Laman ito ng mga kalsada, komunidad sa lunsod ang nayon, at mga picket lines. Sa mga isyung ito nakilala ng taong-bayan ang isang bagong organisasyon ng kabataan.

Di nagtagal, lumawak ang Anakbayan sa mga paaralan at komunidad at naging isang mahalagang pwersa ng pambansa demokratikong pakikibaka. Taong 2000 nang isinagawa ang Unang Regular na Kongreso ng Anakbayan sa Cebu kung saan dumalo ang mga bagong tatag na pamprobinsya at pangrehiyong balangay ng organisasyon. Tinasa ang dalawang taong praktika ng organisasyon at higit na pinataas ang pag-unawa sa oryentasyon at tungkulin ng isang komprehensibong organisasyon.

Matapos ang Kongreso ay sumabak ang Anakbayan sa samu’t saring mga pakikibakang masa na ruruok sa paglahok nito sa EDSA 2 noong Enero 2001. Kabilang din ang mga kasapi ng Anakbayan sa mga pwersang sumuyod sa mga komunidad sa palibot ng Malacañang sa madaling araw bago ang martsa papuntang Mendiola noong Enero 20, 2001.

Ang Anakbayan ay nabuo sa panahon ng matitinding pakikibaka. Natuto ito mula sa buhay na karanasan, habang pinanghahawakan ang mga naipundar na aral ng nakaraan. Sa proseso ay nakapag-ambag na rin ito ng madaming mga martir ng bayan. Ang siyam na taong pakikibaka ng Anakbayan ay dapat magsilbing tuntungan para sa higit pang mga tagumpay. Patuloy na umiiral ang Anakbayan, lalo’t di naman nalulutas pa ang mga pundamental ng problema ng lipunan.

Napakainam ng sitwasyon ngayon para higit itong sumulong lagpas sa isang dekadang pakikibaka para sa pambansang demokrasya.###

Comments are closed.