Sa huling mga araw ni Alex

Posted: September 13, 2010 in Uncategorized

Pumanaw si Alexander Martin Remollino noong ika-3 ng Setyembre, sa gabing nakatipon ang kanyang mga malalapit na kaibigan para mag-alay ng mga tula at tulong para sa kanyang agarang pag-galing. Sa panahong kinaharap ni Alex ang pinakamatinding pagsubok ng kanyang buhay, binibigkas ng mga kasama’t kaibigan ang mga taludtod ng mga akdang naipon ni Alex sa mahabang panahon ng pagsusulat at pakikibaka.

Huwebes, Agosto 26 nang mapansin ng mga kasama na maputla si Alex at hindi maganda ang pakiramdam. Dinala sya ng mga istap ng

Bayan sa East Avenue Medical Hospital para magpatingin. Di agad makukuha ang lab tests nya. Noon gabing iyon ay kinamusta ko siya. Sinabihan na siya ng mga kasama na huwag muna pumasok para makapagpahinga. Sa kanyang text message, naroon ang kanyang labis na panghihinayang sa mga araw na kanyang ililiban at pag-aalala sa mga gawaing mabibinbin. Hinahabol nya kasi ang deadline para sa publikasyon ng Bayan.

Hindi na pumasok sa opisina si Alex noong Biyernes, Agosto 27. Inaalagaan siya ni Becca dahil hirap na rin siyang umuwi pa sa Laguna.

Hapon nang makatanggap kami ng tawag na nahihirapang huminga si Alex at kailangan na siyang dalhin sa ospital. Dinala siya sa ER ng

PGH.

Habang nasa ER ay kinailangan niya ng oxygen mask para makahinga. Hirap na talaga siyang huminga. Kinunan siya ng blood test. Tinignan ang blood sugar levels nya. Di agad rumehistro sa device na ginamit. Masyadong mataas ang level. Gumamit pa ng test sa laboratoryo para malaman na ang blood sugar level niya ay sampung ulit ang taas sa normal. Doon lang namin nalaman na may diabetes si Alex.

Ang unang mga oras sa ER ay inilaan para ma-stabilize ang blood sugar levels ni Alex. Bukod doon, may x-ray results na nagpapakita na may impeksyon siya sa lungs. Di pa tiyak noon kung anung klaseng impeksyon, kung fungal ba o bacterial.

Madaling araw nang kinailangang ilagay sa respirator si Alex dahil hirap na talaga sya huminga. Masakit para kay Becca na makita ang pag-intubate kay Alex. Di na niya mapigil na maiyak dahil sa nakikita niyang hirap na pinagdadaanan ni Alex sa mga oras na iyon.

Ilang oras pa ang hinintay namin, unti-unting bumaba ang blood sugar levels ni Alex. Pilit naman niyang inaalis ang tubo na nasa bibig at lalamunan nya. Kinailangan namin siyang bantayan magdamag at pigilan sa pag-alis ng tubo. Dumating sa puntong tinatakot na namin sya, kunwari ako yung isang ka-opisina ni Alex; ginagaya ko ang malalim na boses: “Bok, wag mo tangglin ang tubo”.   Ang positibo lang siguro noon, lumalaban ang katawan ni Alex.

Umaga na nang nakalipat si Alex sa isang kwarto sa PGH, kasama ang respirator. Nakakadilat si Alex pero mahina ang katawan. Tuloy-tuloy ang bigay ng insulin sa kanya para ma-stabilize ang kanyang blood sugar. Sa buong panahong ito ay hindi sya iniwan ni Becca.

Bumalik ako sa ospital nang sumunod na araw, kung kailan ililipat na sa ICU si Alex para ma-obeserbahan nang mas mabuti ng mga nars at duktor. Nakakakilala na siya ng mga dalaw. Sina Stum at Roma dumalaw nung hapon, may dalang cartolina, pentel pens at paper bag. Gumawa sila ng get-well-soon na “card” na may puppet na “Free the 43”. Sinamahan namin si Alex hanggang makalipat sa ICU. Nagpaalam kami. Ibinalik niya ang kaway namin. Mukhang kahit papaano masaya siya na nandoon ang mga kaibigan niya, bagama’t hindi niya na yata naaalala ang mga kaganapan sa ER. Naka-intubate pa rin sya nang mga panahong iyon kaya di pa kami makapag-usap. Tumatango lang siya bilang pagsang-ayon.

Lunes, nasa rally kami para sa mga desaparecidos. Patuloy na binabantayan ni Becca at ng mga kasama si Alex. Ilang araw pa ang ilalagi niya sa ICU para makumpleto ang mga tests.

Martes nang tila unti-unting bumubuti ang lagay ni Alex. Nagsisimula na siyang magsulat ng mga requests nya. Naka-intubate pa rin sya.  Inaasikaso na namin ang tulong para sa ospital. Malaki ang naitulong ng Anakpawis at Bayan Muna para maitawid ang mga gastos sa ospital.

Miyerkules nang dalawin namin siya ni Abby sa ICU. Maganda disposisyon nya. May board at pad sya para sa pagsusulat ng mga requests nya. Naikwento namin na may benefit gig para sa kanya, at kung kaya nya, magpadala sya ng maikling mensahe. Medyo istable na ang lagay ng kanyang blood sugar sa mga panahong iyon. Bakas sa kanyang mga mata ang pasasalamat sa naging tugon at pagtulong ng mga kasama sa panahong humarap sya sa matinding karamdaman.

Nagbiruan kami na baka di niya abutan ang special screening ng SIGWA sa Robinson’s Ermita dahil naka-confine pa sya sa ospital. Pero nagkaisa kami na itatakas namin siya sakay ng wheelchair palabas ng PGH papunta ng Robinson’s. Natawa si Alex at nag beep-beep ang mga aparato na nakakabit sa kanya. Minabuti namin na huwag na munang patawanin masyado si Alex dahil nakakatakot ang mga tunog ng aparato.

Huwebes, nagpulong kami sa Bayan, nag-tokahan kung sino ang magbabantay kay Alex. Noong Biyernes, sina Glades at Ryan ang magbabantay. Bumubuti pa rin ang lagay ni Alex, dahil nagiging mas istable ang blood sugar nya. Pero inaalam pa ang ibang sakit o ang mga posibelng impeksyon. Mahina na kasi ang immune system ni Alex noong mga panahong iyon.

Dumalaw sina Glades at Ryan noong Biyernes, dala ang mga bagong kwento at ang bagong libro ni Joi Barrios – isang koleksyon ng mga tula. Binasahan nila ng tula si Alex. Wala na siyang tubo noon. May pagsisikap nang kumain ng lugaw. Pero sinabi din niyang nahihirapan siyang huminga. Naka-standby ang oxygen mask niya sakaling mahirapan syang huminga. Dumalaw din si Beng at nagkausap sila ni Alex. Di

nga daw niya naaalala ang mga kaganapan sa ER nung naunang Biyernes.

Nagkita-kita na kami sa Taumbayan sa Kamuning noong gabing iyon para sa benefit gig. Nandoon ang miyembro ng KM64, si Axel, si JL, si Koyang at ang buong istap ng Bulatlat, mga kaibigan, mga kasama. Naihabol ni Glades ang mensahe ni Alex, nakasulat gamit ang pentel pen ni Stum at tatlong pilas sa notepad ni Glades. Tila nanginginig ang mga kamay na sumulat, pero nababasa naman. Positbo ang vibes ng mga tao, dala nga ng may mga mabuting balita na natatanggap kaugnay ng kalagayan ni Alex. Nabuo na nga rin ang FB page na “Alkansya para kay Alex” para sa agarang pagbuti ng kanyang kalagayan. Tiwala ang lahat na malalagpasan ni Alex ang pagsubok na iyon.

Binasa ko ang maikling liham sa pagtitipon. Sinabi ni Alex na mangha ang mga doktor at nars sa mabilis na pagbuti ng kanyang kalagayan. Sa pagwawakas ng mensahe nya, nabanggit ni Alex na may duda siya sa pagbibigay ng importansya sa sarili. Di raw siya sigurado na mardaming dadalo sa kanyang benefit gig. Pero sa huling linya, naisip niya na “importante din pala ako. =)” Di mapigil ng mga tao ang matawa at magpalakpakan.

Bago mag alas-9 ng gabi, nakatanggap kami ng text message mula kay Becca. Si Alex ay kailangan daw uli lagyan ng tubo dahil nahihirapan huminga. Maya-maya, isa pang text, si Alex, binibigyan na ng CPR.

Di na namin tinapos ang gig. Dumiretso na kami sa PGH, pero masama na ang kutob namin. Nasa E. Rod pa lang kami nang matanggap namin ang text message na nag-flatline na si Alex at sinisikap nang i-revive ng mga duktor. Umasa kami na kaya pang i-revive si Alex.

Habang binabagtas namin ang Aurora Blvd. papuntang Nagtahan Bridge, nakatanggap kami ng tawag na mahigit 30 minuto nang pinipilit i-revive si Alex. Di na kinakaya. Ilang sandali pa, nag-text si Becca: “Alex just died”.

Di ko alam kung paano ako patuloy na nakapagmaneho ng sasakyan. Nag-iiyakan na sa loob ng kotse. Tumawag na sina Beng at Abby sa mga kasama, sa mga nandoon pa sa Taumbayan na wala pang balita sa nangyari. Nahagilap si Stum sa telepono. Nakalimutan naming si Aris, kapatid ni Alex, ay nasa Taumbayan din. Kailangan siyang kausapin agad hinggil sa nangyari.

Sa kwento ni Stum, hindi nila magawang ibalita sa lahat ang nangyari kay Alex. Si Jigz ng Karapatan ang nag-anunsyo na pumanaw na si Alex.

Nakaabot kami sa PGH, inabutan namin si Becca sa silid ni Alex. Parang hindi kami makapaniwala na nandoon ang katawan ni Alex, walang buhay. Isang linggo pa lang ang nakaraan nang dalhin namin siya sa PGH. Nung hapon lang ay nakakausap pa siya ng mga kasama.

Hirap ang baga ni Alex. Sa tantsa ng doktor, yung ang pangunahing dahilan ng kanyang pagpanaw, kasama sa kumplikasyong dulot ng diabetes. Bagama’t tila bumuti ang kalagayan ng kanyang blood sugar, di na bumuti ang lagay ng kanyang baga.

Labis ang pighati ni Becca sa mga nangayari. Walang duda sa amin na mahal na mahal ni Becca si Alex. Siya ang nag-alaga at nagtaguyod at nagbigay ng lakas ng loob kay Alex sa panahon ng matinding karamdaman. Lagi naming sinasabi na sobrang swerte ni Alex kay Becca. Nakita namin iyon noong mga araw na nasa ospital si Alex. Nakatakda sana silang ikasal sa susunod na taon.

Nagdatingan na ang mga taga-Bulatlat, kasama sina Jo, Jordan, Mau at ang kapatid ni Alex na si Aris. Maya-maya ang mga taga-Bayan, YS, mga taga-simbahan ay dumating na rin. Di na mapigilan ang dalamhati ni Becca at ng mga taong nakatipon sa maliit na silid at corridor ng PGH.

Alas kwatro ng umaga nang inihatid namin si Alex sa morgue. Dumaan kami sa parehong mga lagusan sa ER kung saan nagsimula ang pamamalagi ni Alex sa PGH. Eksaktong isang linggo na ang lumipas nang unang dinala doon si Alex. Ngayon ay wala na siya.

Noong umaga ding iyon ay ginawa ang autopsy. Malalaman ang depinidong resulta sa loob ng ilang araw.  Pero ang diabetes at ang impeksyon sa baga ang pangunahing tinitingnang sanhi ng pagkamatay ni Alex. Hanggang sa panahong iyon, di pa na -diagnose na may diabetes si Alex.

Gabi pa lang nang bumaha sa FB ang mga parangal at mga mesahe ng pagdadalamhati at pakikiramay.

Pumanaw si Alexander Martin Remollino noong ika-3 ng Setyembre, sa gabing nakatipon ang kanyang mga malalapit na kaibigan para mag-alay ng mga tula at tulong para sa kanyang agarang pag-galing. Sa panahong kinaharap ni Alex ang pinakamatinding pagsubok ng kanyang buhay, binibigkas ng mga kasama’t kaibigan ang mga taludtod ng mga akdang naipon ni Alex sa mahabang panahon ng pagsusulat at pakikibaka.

Malaking kawalan si Alex. Labis na kalungkutan ang nararamdaman natin sa kanyang paglisan. Sa ating mga naiwan niya, ang pinakamataas na parangal na maibibigay natin ay ang pagpapatuloy ng kanyang mga nasimulang gawain: sa pamamahayag, sa panunula, at sa puspusang pakikibaka para bayan.

Laging mananatiling buhay si Alex, hangga’t may mga nangangahas mamahayag ng totoo, bumigkas ng marubdob, at kumilos ng tapat para sa bayan. ###

Comments are closed.