On Aquino’s recent US trip

Posted: September 28, 2010 in Socio-Political

Byahe sa Amerika, may pagbabago bang dala?

Isang Gabay sa Pagtalakay sa US trip ni Pang. Benigno Aquino III

Inihanda ng Bagong Alyansang Makabayan

16 Setyembre 2010

Nakatakdang umalis si Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III papuntang Estados Unidos (US) upang dumalo at magsalita sa harap ng may 189 heads of state/government sa gaganaping 65th United Nations General Assembly sa New York sa Setyembre 24. Ang tema ng general assembly ay “Reaffirming the Central Role of the United Nations in Global Governance”. Aalis si Aquino patungong US sa Setyembre 20.

Ang isang linggong (Setyembre 20-26) pagbyaheng ito ni Noynoy ay ang kanyang kauna-unahan bilang pangulo ng Pilipinas Susundan ito ng pagdalo niya sa Association of South East Asian Nations (ASEAN) Summit sa Hanoi, Vietnam sa huling linggo ng Oktubre. Samantala, hindi na siya tutuloy sa ASEAN-European Union (EU) Meeting sa darating na Oktubre 3-4.

Sinasabing personal na inimbita ni US President Barack Obama si Noynoy upang bumisita sa White House, subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang inilabas na detalye ang Malacanang ukol dito. Habang hindi pa rin kumpirmado ang bilateral meeting nina Noynoy at Obama, sigurado naman na magkakadaupang palad ang dalawa sa gaganaping ikalawang US-ASEAN Leaders Meeting sa Setyembre 24. Magsisilbing country coordinator ang Pilipinas para sa US- ASEAN Dialogue relations for 2009-2012.

Sa kanyang mga press release at pahayag, sinabi ni Aquino at kanyang mga tagapagsalita na mahalaga ang pagbyaheng ito ng pangulo dahil ang US ang isa sa “big, if not biggest, trading partners” ng bansa. Isa raw itong oportunidad upang manghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan, matapos ibahagi sa kanya ni US Ambassador to the Philippines Harry K. Thomas Jr. na maraming malalaking kumpanyang Amerikano ang interesadong mamuhunan sa Pilipinas. Itinuturing ng Malacanang ang pagbyaheng ito bilang solusyon sa problema ng kakulangan ng hanapbuhay sa bansa.

Target ng pangulo na makakalap ng mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) na kanyang nauna nang binanggit sa kanyang State of the Nation Address. Kaugnay nito ay ipinasa noong Setyembre 9 ng Executive Order No.8 o ang pagrereorganisa sa Build-Operate-Transfer (BOT) Center bilang Public-Private Partnership (PPP) Center of the Philippines (sa ilalim ng National Economic and Development Authority) upang mapabilis at mapabuti ang pangangasiwa sa mga proyektong PPP. Maraming tumutuligsa sa PPP dahil sa esensya ay pribatisasyon ito ng mga serbisyong dapat gobyerno ang nagbibigay.

Ang pag-alis na ito ng pangulo ay talagang pinaghahandaan ng kanyang Gabinete. Sa katunayan ay umalis patungong US noong Agosto sina Trade and Industry Sec. Gregory Domingo at Finance Sec. Cesar Purisima upang makipag-usap sa iba’t ibang malalaking kumpanya at korporasyon sa US at ayusin ang mga posibleng pamumuhunan, kabilang ang business process outsourcing (BPO) tulad ng mga call centers at electronics. Sinasabing ang BPO ay nagbibigay sa bansa ng may P9 billion kita kada taon subalit nasa kalahating milyon lang ang naka-empleyo dito.

Nakatakdang makipagkita si Aquino sa mga matataas na opisyales ng malalaking korporasyon sa New York at San Francisco tulad ng Coach, Luen Thai, IBM, JP Morgan, Sutherland, Automatic Data Processing and Hewlett Packard.

Isa rin sa mga pinaka-aabangan ng administrasyong Aquino sa pagbyahe sa US ay ang pagpirma sa US$434-million Compact grant ng Millennium Challenge Corporation (MCC) na sinasabing nakalaan para sa poverty reduction, revenue generation at infrastructure development sa bansa.

Maliban sa pagdalo sa mga pulong ng UN at ASEAN-US, pangangalap ng suporta mula sa mga dayuhang kapitalista, at pagsaksi sa pagpirma ng MCC sa Compact grant ay nakalinya rin bilang mga aktibidad ni Noynoy ang mga sumusunod:

(1) pagdalo sa isang roundtable discussion kasama ang mga miyembro ng Filipino-American community na nasa larangan ng Information Technology at Engineering (ST&E) sa New York at San Francisco;

(2) pagtanggap sa Saint Elizabeth Ann Seton Medal – ang pinakamataas na karangalang ibinibigay ng College of Mount Saint Vincent (kung saan nag-aral ang kanyang ina na si dating pangulong Corazon Aquino) sa New York – para raw sa kanyang “extraordinary service as public official”;

(3) pagsasalita sa harap ng Council of Foreign Relations (isang think-thank para sa international affairs; dating Ayala Foundation-USA) tungkol sa relasyong RP-US at ang perspektiba ng Pilipinas sa mga isyung rehiyonal at internasyunal;

(4) pagdalo sa gala dinner ng Philippine Development Forum kung saan siya ang keynote speaker. Tatalakayin umano niya ang mga proyekto kaugnay ng information technology;

Nakatakdang bumalik sa Pilipinas si Aquino sa Setyembre 28. Ilan sa mga makakasama niya sa kanyang pagbyahe ay sina House Speaker Feliciano Belmonte Jr., Mandaluyong Rep. Neptali Gonzalez II at Mandaluyong Mayor Benhur Abalos.

Ang kabuluhan ng pagpunta ni Aquino sa US

Ang pagpunta ni Aquino sa Estados Unidos ang kauna-unahan niyang foreign trip bilang pangulo ng Pilipinas. Isa itong indikasyon ng pagbibigay halaga ng administrasyong Aquino sa relasyon ng Pilipinas at US.

Ang pagdalaw ni Aquino sa US ay pagkakataon para pagtibayin ang matagal nang di-pantay na relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas, kapwa sa aspeto ng ekonomiya, pulitika at militar. Sa inihayag na ng Palasyo, lumalabas na walang pinagkaiba ang US trip na ito sa mga nagdaang pagbyahe maging ng rehimeng Arroyo. Nakasentro pa rin sa panghihikayat ng dayuhang mamumuhunan, paghingi ng mga aid at grants at pag-iwas sa mga kontrobersyal na isyu tulad ng VFA.

Ayon kay Aquino, asahan daw ng mga Pilipino ang pasalubong niyang “good news” sa kanyang pagbabalik mula sa US. Maaaring ang mga ito ay ang investments at aids at grants na makakalap ng pangulo.

Matagal nang nabigo ang modelong pang-ekonomiya na pinatatakbo ng dayuhang pamumuhunan. Kitang-kita ito sa kaso ng Pilipinas kung saan mas malaki ang nahuhuthot na halaga palabas ng bansa kesa sa halagang pumapasok sa bansa. Di rin nagawang solusyunan ng dayuhang pamumuhunan ang malawakang kawalan ng trabaho lalo’t kadalasa’y kontraktwal lamang ang trabahong ibinibigay nila.

Ang labis na pag-asa sa dayuhang pamumuhunan at ayuda ay patunay ng kawalan ng gobyernong Aquino ng malinaw na plano para sa pambansang industriyalisasyon at pag-unlad. Wala itong plano para magtayo ng umaasa sa sariling ekonomiya.

Ang masaklap pa nito, ang ekonomiya ng US na nasa krisis ngayon ay mas interesado kung paano nila lalagpasan ang krisis. Tinatarget ng mga monopoloyo kapitalista ang mga bansa tulad ng Pilipinas para higit na tambakan ng sobrang produkto at kapital at pakinabangan ang murang lakas-paggawa at hilaw na materyales ng bansa. Mas matinding pagsasamantala ang asahan dahil nga nasa panahon ng krisis ang US at kailangan nitong maka-rekober mula sa mahabang resesyon.

MCC Compact Agreement: Instrumento ng imperyalistang kontrol

Ang US$434-million Compact grant mula sa MCC ay isa sa mga iuuwi ni Noynoy mula sa kanyang pagbyahe sa US. Maaaring ang Compact ay bahagi ng ipinangakong tulong ni Ambassador Thomas noong makipagpulong ito kay Noynoy bago pa man ito opisyal na maideklara bilang pangulo. Ang pondong ito ay para raw sa pagsasaayos ng tax collection ng BIR, livelihood at iba pang proyekto para sa mga pinakamahihirap na barangay sa bansa, at paggawa ng mga kalsada.

Projects and Other Items Approx. MCC Grant Amount Description
1.  Secondary National Road Development Project (SNRDP) – DPWH $214.4 million Reconstruction and rehabilitation of roads (220 kilometers) and bridges in Eastern and Western Samar. Expected to benefit 290,000 Filipinos.  The project aims not only to save time and lower vehicle-operating costs (VOC) for the road users, but also to help increase real incomes and living standards of beneficiaries.
2.  Revenue Administration Reform Project (RARP) – DOF-BIR $54.3 million Intended to increase tax revenues over time and to support the Department of Finance’s initiatives to detect and deter corruption within its revenue agencies. It aims to address vital constraints on the fiscal front by increasing and improving the GOP’s ability to sustain higher collection of tax revenues and help reduce tax-related graft and malfeasance. The project will assist the BIR re-engineer its tax administration processes and implement revised procedures using a new automated tax administration system. It will also strengthen a unit in the Department of Finance that is responsible for bringing graft-related administrative actions against revenue agency employees.
3.  Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-    Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) – DSWD $120 million Cover an estimated 193 municipalities that have a poverty incidence higher than the national average. The program is expected to benefit up to 5.2 million Filipinos in the next 20 years. It is aimed to strengthen local communities’ participation in barangay governance, and develop their capacity to design, implement and manage community-driven projects that significantly contribute to poverty reduction.
Program Management/ oversight; Management and evaluation  costs $45.2 million
Total MCC Funding $434 million

(Source: Official Gazette of the Republic of the Philippines)

Millenium Challenge Corporation

Ang Millenium Challenge Corporation (MCC) ay isang korporasyong pagmamay-ari ng US Government na binuo ng US Congress noong Enero 2004 upang magbigay ng “foreign assistance” sa mga pinakamahihirap na bansa sa buong mundo.

Ang pondo ng MCC ay nagmumula sa US Government at inaaprubahan ng US Congress sa rekomendasyon ng State Department.

Kabilang sa Board of Directors nito sina State Sec. Hilary Clinton – na gumaganap bilang Chair ng MCC Board – Treasury Sec. Timothy Geithner, Trade Rep. Ambassador Ron Kirk, USAID Administrator Rajiv Shah, MCC Executive Officer Daniel Yohannes, Senator William Frist at apat na representante mula sa pribadong sektor.

May dalawang uri ng grant na ibinibigay ang MCC: ang Compact at ang Threshold program. Ang Compact ay malakihan at matagalang (limang taon) grant na binibigay sa mga bansang nakapasa sa eligibility criteria, samantalang ang Threshold program ay maliit na grant na ibinibigay sa mga bansang hindi nakapasa sa criteria subalit may mga programa upang mapabuti ang polisiya.

Mula noong 2006 ay nakatanggap na ang bansa ng may US$ 21 million threshold ang Pilipinas mula sa MCC. Noong Marso 2008 naideklarang “eligible” ang Pilipinas para sa Compact grant.

Naaprubahan ang Compact grant ng Pilipinas noon pang 2009, subalit dahil sa patuloy na pagbagsak ng rating ng administrasyong Arroyo sa corruption test (kung saan naka-score ang Pilipinas ng 0.20 o 26% sa Control of Corruption parameter), hindi ito ibinibigay ng MCC. Nang pumalit ang administrasyong Aquino, hindi na hinintay pa ng MCC ang 4th quarter board meeting nito upang ibigay ang Compact grant ng Pilipinas. Dahil umano sa slogan ni Aquino na “kung walang kurap, walang mahirap.”

Produkto ang MCC ng administrasyon ni George W. Bush, na naniniwalang ang development aid ay dapat ibigay ng US sa mga bansang may neoliberal na polisiyang pang-ekonomiya o yung mga polisiyang bukas at akma sa mga patakaran ng US tulad ng liberalisayon at deregulsyon. Isa sa mga ginagamit na basehan ng MCC sa pag-apruba ng grants ay ang rebyu ng konserbatibo o right-wing think-tank na Heritage Foundation.

Ayon sa website ng MCC:

The MCC partners only with countries that can show measurable support for a free and open political system with access to open markets. Only countries with proven track records in anti-corruption, civil liberties and the rule of law may partner with the MCC in crafting a development program unique to their local conditions.

MCC forms partnerships with some of the world’s poorest countries, but only those committed to good governance, economic freedom, and investments in their citizens.

MCC provides these well-performing countries with large-scale grants to fund country-led solutions for reducing poverty through sustainable economic growth. MCC grants complement other U.S. and international development programs. (emphasis supplied)

Unang linggo pa lamang sa pwesto si Aquino, Hulyo 8, nang sumulat sya kay Obama kaugnay ng MCC Compact Agreement. Ibiinigay ni Aquino ang komitment ng bansa sa mga prinsipyo ng MCC at sa pagpapatupad sa tatlong proyekto sa ilalim nito. Nagpadala naman ng sulat si Sec. Purisima kay US Secretary o State at MCC Board Chair Hilary Clinton noong Hulyo 12 upang idetalye ang anti-corruption at policy improvement program ng Pilipinas. Sinasabing ang mga ito ang dahilan kung bakit mabilis na naaprubahan noong Agosto 5 ang US$434 million Compact.

Sa plataporma pa lamang ni Aquino bilang kandidato ng Partido Liberal sa pagkapangulo, pabor siya sa trade liberalization bilang development policy. Kung susuriin ay magkahalintulad ang mga kondisyon o criteria ng MCC at ng mga multilateral agencies katulad ng World Bank sa pagbibigay ng tulong (grants, aids at loans). Marami rin sa mga third world countries na binibigyan ng aid ay may di magandang rekord pagdating sa pagsunod sa international labor laws at standards at paglabag sa labor rights.

Ilang araw pa lamang ang itinatagal ng administrasyong Aquino ay ipinakita na nito ang pag-asa sa aid at grants na makukuha sa ibang bansa, lalo na sa US. Wala namang “development”  na nakukuha ang mga bansang tumatanggap ng tulong sapagkat kadalasang ang mga ito ay may kapalit na mas mabibigat na imposisyon sa ekonomiya tulad ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Tandaan din na may binubuong Free Trade Agreement sa pagitan din ng US at Pilipinas na posibleng itinutulak din kapalit ng mga “aid”. Madalas din ang mga development assistance na ito ay sanhi ng kurupsyon sa pamahalaan, tulad nang ibinunyag ng World Bank noong panahon ni Arroyo.

Ipokrito din ang mga standards sa good governance at rule of law na ipinapataw ng MCC. Bukod sa ang US mismo ay di naman sumusunod sa rule of law at garapal na lumalabag sa karapatang pantao ng mamamayan sa buong mundo, ang Pilipinas din ay walang maipagmamalaki sa usapin ng human rights at rule of law. Maging sa ilalim ng administrasyong Aquino ay wala pang makabuluhang hakbang para bigyan ng katarungan ang daan-daang biktima ng extrajudicial killings, enforced disappearances at torture. Sa isang pag-aaral na nilabas ng Asia Foundation, ang conviction rate sa mga kaso ng EJK sa Pilipinas mula 2001-2010 ay nasa 1.05% lamang.  Wala pa ring makabuluhang nagagawa ang rehimeng Aquino para habulin ang pinakamalalaking kurap na opisyal, lalo na si dating pangulong Arroyo at mga alipores nya.

Ang MCC ay isang instrumento ng imperyalistang US para sa ibayong kontrol sa mga mala-kolonyal nito gamit ang tinatawag ng “development aid”. Ginagamit din na pampa-pogi ng mga di-popular na mga papet na estado sa pamamagitan kunwari sa pagsunod “good governance”,“civil liberties” at “rule of law” .

Ang VFA at tropang Amerikano sa bansa

Wala pang detalye hanggang sa kasalukuyan ang pakikipagpulong ni Aquino kay Obama, maging kung ano ang kanilang pag-uusapan. Subalit isa itong malaking pagkakataon upang igiit ni Aquino ang pambansang soberanya at pangteritoryong integridad ng Pilipinas mula sa Estados Unidos sa pamamagitan ng pagdadala sa mga isyu ng hindi pantay na kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.

Pagkakataon na rin ito upang kanilang pag-usapan ang pagrepaso at pagbasura ng RP-US Visiting Forces Agreement (VFA) o ang kasunduang pangmilitar sa pagitan ng Pilipinas at US na ginagamit na ligal na balangkas upang malayang makalabas-pasok at permanenteng makapanatili ang mga tropang Amerikano sa bansa.

Ang VFA ay pinagtibay ng Senado ng Pilipinas bilang isang tratado noong noong 1999. Layon nitong mapanatili ang pwersang militar ng US sa bansa matapos ipawalang bisa ang Military Bases Agreement noong 1991. Bagamant pinagtibay ng Senado ng Pilpinas bilang isang tratado, hindi pinagtibay ng Senado ng US ang VFA bilang isang tratado. Tanging ang pamahalaang ng US ang kumikilala umano dito bilang isang tratado. Patunay ito ng di –pantay na katayuan ng dalawang bansang “pumasok” sa kasunduang ito.

Tinatayang mula 2001 ay may 50,000 sundalong Amerikano na ang nakapasok sa bansa upang makibahagi sa iba’t ibang aktibidad ng hukbong sandatahan ng Pilipinas. Tumutulong din ang mga sundalong Amerikano sa pagtugis sa mga binansagang ‘kaaway ng estado’, bilang bahagi raw ng ‘global war on terror’.

Maraming nilabag na batas ang VFA, unang una na dito ang konstitusyon ng Pilipinas. Gayundin, ang mga di malinaw na probisyon sa VFA ay lumalabag sa karapatang pantao ng mga Pilipino. Ilan sa mga hindi malinaw na nakasaad sa tratado ang dami ng tropang Amerikanong maaaring pumasok at manatili sa bansa, ang haba ng kanilang pananatili at kanilang mga aktibidad. Sa kabila ng paggamit ng salitang “visiting”, ang sampung taong patuloy na pagpasok at pananatili ng sundalong Amerikano at pakikialam sa mga operasyon ng sundalong Pilipino ay patunay na ang VFA ay ginagamit bilang palusot lamang para sa permanenteng pananatili ng tropang Kano sa bansa sa kabila ng kawalan ng tratado kaugnay nito. Gayundin ay nakapagtayo na ng mga permanenteng base at pasilidad ang mga tropang Kano sa iba’t ibang parte ng Mindanao.

Noong panahon ng kampanya, sinabi ni Noynoy na kung siya ay mamanalong pangulo, kanyang ire-rebyu ang Visiting Forces Agreement dahil hindi tamang nalalamangan ang mga Pilipino sa kasunduang ito. Subalit sa praktika, sa halos isang daang araw na panunungkulan ni Noynoy bilang pangulo ay hindi niya nahaharap ang isyu ng VFA.

The Visiting Forces Agreement should be reviewed…We really need to look at the VFA in its present form and ask: “Paano naman yung interes natin?” We should review all the agreements that our government enters into and make sure that the interests of the Filipino are prioritized. (Mula sa ABS-CBN Aquino promises tracker)

Noong nakaraang buwan ay nagsimula ang pagdinig ng Court of Appeals sa Writ of Amparo ng namatay na Pilipinong interpreter sa loob ng isang base ng US sa Marawi City at sa pinaslang na sundalo na tumutulong mag-imbestiga sa kasong ito na si Captain Javier Ignacio. Hindi narinig ang tinig ng pangulo sa usaping ito.

Bago pa man ang pagkamatay ni Gregan Cardeno, hindi alam ang presensya ng pasilidad ng US sa Marawi City. Ang naisapubliko lamang ang mga baseng (1) Camp Navarro, (2) Edwin Andrews Air Base at (3) Camp Malagutay sa Zamboanga City, (4) Camp Bautista sa Jolo, Sulu, (5) Camp Sionco sa Maguindanao, at ang Philippine Naval Station sa Panglima Sugalan, Tawi-Tawi.

Pinangangambahang ang patuloy na pananahimik ni Pangulong Aquino sa mga isyung ito at ang kanyang napipintong pakikipagkita kay Obama ay pagpapatibay at pagsang-ayon sa di-pantay na VFA. Marami nang insidente na sangkot ang US troops sa indiscriminate firing sa mga sibilyan sa Sulu, pagpapasara ng ospital sa Panamao, panggagahasa sa isang Pilipina sa Subic at maging paglahok ng mga sundalong Amerikano sa operasyn ng AFP. Nararapat lamang na pangunahan ni Aquino bilang pangulo ng Pilipinas ang usapan tungkol sa pagpapaalis sa tropang Amerikano sa Mindanao at sa pagrerepaso at tuluyang pagbasura sa VFA.

Malaking hamon gayon kay Aquino kung tutuparin nya ang pangako noong kampanya kaugnay ng VFA.###


Comments are closed.