Happy Birthday Ericson

Posted: May 27, 2011 in Human Rights, Music, Socio-Political

Kagabi ay natuloy na din, at matagumpay na naidaos, ang “Acosta Universe: Beatles Night for a Cause” sa My Bros Mustache sa Timog. Medyo nangamba kami 2 araw bago ang event dahil nga sa napabalitang bagyong Chedeng. Panay ang weather watch at advisory sa mga naimbitahan. Pinalad naman na sa araw ng gig ay sya ring araw na inanunsyo na hindi na mag-landfall si Chedeng.

Ang “Acosta Universe” ay fundraising gig para sa legal defense ni Ericson, na itinaon din sa birthday nya (May27). Dumating ang mga kaibigan, ka-eskwela, kakalase, mga kasama sa UP, mga alagad ng sining at manggagawang pangkultura at mga kasama mula sa iba’t ibang sektor. Andun ang mga dating LFS, CNS, mga 90’s Kule, mga orihinal na STAND UP, at mga taga-Alay Sining.  Dami ring “walk-in”, marahil dahil “Beatles night” nga ang event. Sa totoo lang ay di na nagkasya sa venue ang mga dumalo. May mga umpukan sa labas ng gate at sa iba’t ibang sulok ng Mustache.

Sarah Raymundo opens "Acosta Universe" Photo by J.a. Santos

Maagang sumalang si Chikoy Pura ng The Jerks dahil wala ang mga regular na nakapwesto sa 7pm time slot. Bandang 8pm, pormal na sinimulan ni Sarah Raymundo ang programa. Nagpalabas ng maikling AVP gawa ni Ayan Tolentino, para maipaliwanag ang issue ni Ericson at makita din sya habang nasa loob ng piitan.

Nagkaroon ng mga pagtatanghal mula kina Danny Fabella, Koyang Jess Santiago at Lester Demtillo (na napakaiusapan lang namin).

Ang sorpresang pagtatanghal ay nanggaling kay Dong Abay. Personal niyang kilala si Ericson noong maagang bahagi ng buhay-UP niya.  Bago ang performance, tinanong ko sya kung gusto niyang kumanta ng mga awitin ni Bong Ramilo. Si Bong Ramilo ay napakahusay at prolific na kompositor at ilan sa mga likha niya ay inaawit hanggang ngayon tulad ng “May Panahon” o mas kilala ng mga tibak bilang “Awit ng Petiburges”.  Naalala ko kasi si Dong na kumanta ng awit ni Bong Ramilo sa harap ng Sampa Dorm, acapella, noong 1992. Nagpraktis kami ng kaunti, kaunti lang dahil mas marami syang kwento tungkol kay Bong, saka sumalang sa entablado. Inawit niya ang “May Panahon” at “Pauwi sa Amin” ni Bong Ramilo, at ang “State-U” na orihinal ng Yano. Ayos talaga.

Dong Abay gives a surprise performance (Photo by J.a. Santos)

Nagibgay din ng mensahe si National Artist for Literture at personal na kakilala ni Ericson na si Bien Lumbera. Nagkaroon ng auction ng mga hand-painted bags na gawa ng isang artist na malapit din kay Ericson. Bumenta ang mga bags at nakadagag pa sa legal defense fund.

Nag-perform din kami ni Sarah, at Aki, at ipinakilala kami bilang “Free Ericson Acosta Campaign”, na parang singing group ng kampanya (pero sa totoo lang walang ganun). Inawit namin ang “VFA Blues 2.0” dahil May 27 ang ika -12 anibersaryo ng VFA. Sa pangwakas, kinanta naman ang isang orihinal na komposisyon ni Ericson, ang “Paalam”. Sa pagkakataong ito ay sumalang kasama namin si BLKD,  tanyag na rapper sa Flip Top at kasapi ng Sinagbayan. Kailangan nyong mapanood ang video ni Kenneth Guda, para maunawaan kung ano ang nangyari, hehe. Pero first time yun na nag-jam kami kaming tatlo na may rapper na kasama.

Nagsimula ang “Beatles” night sa pamamagitan ni Atty. Bong, isang regular pumupwesto sa Mustache tuwing Lunes, at tumutulong din sa Free Ericson Campaign. Nag-acoustic set siya, mga Beatles songs na ala-James Taylor ang areglo.

Sinundan naman siya ng Anak ni Aling Juana, kumanta ng ilang mga Beatles fave tulad ng Don’t Let me Down, Come Together at Nowhere Man. Umawit din sila ng isang orihinal ni Ericson, yung “Kontradiksyon”, na noon ko lang narinig na inawit na full-band ang set-up.

Sumalang na kasunod ang The Jerks, at rumaragasang “A Hard Days Night” ang opening number nila. Parang salitan ng bugkos ng mga kanta ng Beatles at mga orihinal ng Jerks ang tinugtog ng banda. Kahit tatlo lang ang line-up nila, malakas ang dating ng tugtugan at buhay na buhay ang audience. Puno pa rin ang venue at marami pang mga bisita ang nakatambay sa labas ng gate. Personal ding kilala nina Chikoy at Monet Pura si Ericson at suportado nila ang kampanya para sa kanyang kagyat na pagpapalaya.

Hayun at may nagsasyawan na sa loob ng Bros. Mustache. Halos 1230am na nang natapos ang set ng The Jerks, at nagbigay na kami ng pasasalamat sa lahat nang dumalo at nag-ambag. Nakamit naman ang target para sa fund-raising gig sa tulong ng mga kaibigan at kasama. 

Pero ayaw pang mag-alisan ng mga tao. Nag-solo pa si Chikoy, sinamahan namin ni Boy Dominguez sa harmonica. Nang matapos ang impromptu “set”, umakyat sa entablado si Gold Villar, nag-alay ng isang awitin at bumalik si BLKD. Hinahanap niya si Nath Santiago, na di-umano’y naghamon daw sa kanya mag- freestyle. Hehehe, di naman pala. Siguro di pa ready si Nath nang gabing iyon. =)

Birthday ngayon ni Ericson. Dadalaw ang pamilya niya doon sa Calbayog para sa munting salo-salo na magaganap sa loob ng sub-provincial jail. Wala namang “special treatment” na natatanggap si Ericson sa piitan, di tulad nina Leviste, Ampatuan, at yung Taiwanese drug pusher na nakatakas na pala. Hindi “special

National Artist for Literature Bien Lumbera speaks at benefit gig (Photo by J.a. Santos)

treatment” kundi respeto at mataas at pagtingin ang nakukuha ni Ericson mula sa kanyang mga kosa dahil sa katayuan niya bilang political prisoner. Ibinabalik niya ang respetong iyon sa pamamagitan ng pagmumulat sa hanay ng mga kosa niya, habang prinsipyado at matatag na ipinaglalaban ang paglaya ng mga bilanggong pulitikal.

Salamat muli sa mga dumalo, nagtanghal at nag-ambag  kagabi. Nga pala, kung may pics at videos kayo, maaaring ilagay sana sa DVD format at ipapadala natin kay Ericson. Makita din niya ang dami at lapad ng suporta para sa kanyang kampanya.

Comments are closed.