Rebyu: “Walang Sugat”, pero malalim ang tama

Posted: September 14, 2012 in Uncategorized
Tags: ,

ImageIsang zarzuela para sa kasalukyang panahon

 

Kapag tinanong mo ang mga kabataan ngayon kung anu ang ideya nila ng musical, malamang nakahulma ito sa mga programa tulad ng Glee o kaya’y yung mga broadway na dumadayo sa Pilipinas. Bibihira na siguro ang may alam sa zarzuela bilang isang porma ng teatro.

Kaya’t napapanahon ang pagtatanghal ng Walang Sugat ni Severino Reyes, sa direksyon ni Carlitos Siguon-Reyna. Pagkakataon itong ipakilala sa kasalukyang henerasyon ang zarzuela na dati nang bumighani sa mga manonood sa panahon ng kolonyalismong Kastila at Amerikano. Ang zarzeula ay isang dula na may mga awit at sayaw, malimit na tumatalakay sa pag-ibig bagama’t naka-konteksto sa mga panlipunang usapin at isyu. Halimbawa, ang mga kundiman tungkol sa magsing-irog, ay pumapatungkol din sa marubdog na pag-ibig sa bayan laban sa mga dayuhang mananakop.

 Pamilyar ang mga tema ng Walang Sugat, pagmamahalan sa gitna ng digmaan, sakripisyo, pagkawalay, at kontradiksyon ng indibidwal sa pamilya. Ito ang magdudulot ng magkahalong kilig at ligalig sa manonood. Sa payak na paghahambing, parang Glee  na subersibo; Romeo and Juliet na rebolusyonaryo.

Simple lang ang kwento ng Walang Sugat. Si Tenyong at Julia ay magkasintahan (at parang magpinsan din). Kumaharap ng matinding pagsubok ang kanilang pag-iibigan nang maaresto ang tatay ni Tenyong dahil sa mga pagkilos nito laban sa mga prayleng Kastila. Ang tatay ni Tenyong ay tinortyur nang matindi at nasa bingit na nang kamatayan nang abutan ni Tenyong at kanyang ina. Sa pagkamatay ng kanyang ama, si Tenyong ay nagpasyang sumama sa armadong pakikibakang inilulunsad ng Katipunan. Dito sila nagkahiwalay ni Julia.

Sa kanilang matagal na pagkawalay ay pinuwersa si Julia na ikasal sa ilustradong si Don Miguel. Bago ang nakatakdang kasal, pinahanap ni Julia si Tenyong sa dating alalay nito na si Lucas. Nahanap ni Lucas si Tenyong sa kampo ng mga rebelde at naipaabot ang masamang balita ng pwersahang pagpapakasal ni Julia kay Don Miguel. Pero bago pa man makatugon si Tenyong sa liham ni Julia, sinalakay ng mga Kastila ang kampo ng mga Katipunero. Nagkahiwalay si Lucas at Tenyong sa gitna ng labanan. Nakatanggap ng liham si Julia mula sa isang henral na malubhang nasugatan at nawawala ang batang Kapitan Tenyong.

Dumating na ang nakatakdang araw ng kasal at napilitan na rin si Julia na pumayag, sa pag-akalang patay na si Tenyong at sa kagustuhang hindi mapahiya ang kanyang ina. Engrandeng selebrasyon ang magaganap at nakatipon ang buong bayan. Pero bago mairaos ang seremonya, dumating si Lucas na may balitang nakita na si Tenyong pero agaw-buhay itong nakaratay sa katre. Dinala si Tenyong sa pinagdausan ng kasal ni Julia. Sa muling pagtatagpo ng magkasintahang sawi, hiniling ni Tenyong sa pari na, yaman din lamang na mamamatay na siya, ikasal na sila ni Julia. Sa pagkamatay daw ni Tenyong, maaari nang pakasalan ni Julia si Miguel.  Dahil mukhang matutuluyan na nga si Tenyong, pumayag na rin si Miguel sa kakaibang dying wish na Tenyong.

Kinasal si Tenyong at Julia ng paring Kastila. Matapos ang seremonya ng kasal, biglang tumayo si Tenyong, at lahat ay napamanghang sumigaw;  “Walang sugat! Walang sugat!”.

Ang pagsigaw na rin ang naiging senyales ng pag-aaklas ng taongbayan at pagkubkob ng mga rebolusyonaryo sa kabayanan. Inaresto ang mga prayle ang mga taga-suporta ng mga Kastila. Tagumpay na sana ang mga rebolusyonaryo nang sa kalayuaan ay biglang lumitaw ang imahe ng mga Amerikano, lulan ng kanilang barkong pandigma. Dinig sa malayo ang mga kanyon ng bagong dayuhang mananakop.

Nahati ang mga Pilipino. Ang mga ilustradong dating sunod-sunuran sa mga Kastila ay buong giliw na sumalubong sa mga bagong kolonyalista. Ang mga rebolusyaryong sina Tenyong, kasama si Julia, ay nanatiling hawak ang kanilang mga sandata.

Matatapos ang dula sa pag-awit ng “Bayan Ko”, at sa mensaheng patuloy ang paghihimagsik nina Tenyong. Iiwanan tayong medyo bitin, na parang di pa ganap na tapos ang kwento. Marahil ay sumasalamin ito sa tapos na pakikibaka para sa tunay at ganap na kalayaan mula sa paghahari ng dayuhan.

Ang huling eksenang ito ay orihinal na interpretasyon ng director na si Carlitos Siguion-Reyna, na sa unang pagkakataon ay nag-direct ng dula para sa entablado.

Para sa akin, rurok ng pagtatanghal ay ang pag-awit ng Bayan Ko, kapwa sa yugto nang magpasya na si Tenyong na lumahok sa armadong rebolusyon at sa pagtatapos ng dula kung saan nagpapatuloy pa rin sila sa pagrerebolusyon laban sa kolonyalismong Amerikano.

Sa Walang Sugat, ibinalik ang awit na Bayan Ko sa orihinal nitong anti-kolonyal na konteksto at pakahulugan. Halaw sa tulang Filipino na isinulat ni Jose Corazon de Jesus noong 1929– sa panahon ng kolonyalismong US– at nilapatan ng musika ni Constancio de Guzman, kilalang protest song ang “Bayan Ko”. Naging bahagi ito ng paglaban sa diktadurang US-Marcos hanggang sa EDSA 1. Sabi pa nga ng isang entry sa Wikipedia, “since the 1986 Revolution that toppled the Marcos government… the song has been associated with the Aquino family and their allies”.

Pero sa Walang Sugat, binalik tayo sa panahon ni Huseng Batute, kung saan ang pagnanasang malayang lumipad ay isang panawagan para sa ganap na paglaya mula sa dayuhang mananakop.

Tuwiran ang pagturan ng dula sa pangangailangan ng armadong paglaban kontra sa kolonyalismo. Bukod sa istorikal na batayan, ipinakita ng Walang Sugat ang pang-aabuso ng mga prayle, lalo na ang iligal na pag-aresto at tortyur ng mga bihag ng kumukontra sa Espanya. Ang partikular na tema ng pagrerebolusyon ay mananatili hanggang sa pinakahuli ng dula, nang hindi binitiwan nina Tenyong ang armas, kahit na ang mga ilustrado ay sumalubong na sa mga kolonyalistang Kano.

Isang ring mahusay at bagong aspeto ng dula ay ang salimbayan ng “masayang tagpo” ng paghahahnda ng mga pamilya para sa pagdalaw sa mga bihag, at ang malupit na pag-tortyur ng mga bihag sa utos ng mga prayle. Layon ng direktor na patingkarin ang “ilusyon” ng masayang pagkikita kontra sa realidad ng karahasan at tortyur.

Mahusay ang pagkakaganap ni Cris Villonco bilang Julia at ni Arman Ferrer bilang Tenyong. Si Cris Villongco, huli ko atang nakita sa mga anti-Arroyo rally sa Makati ilang taon na ang nakalipas. Malinaw ang kanyang bigkas sa mga linya at hindi matatawaran ang kalidad ng boses nya. Si Arman, ngayon ko lang napanood. Napahanga din ako sa boses nya. At hindi siguro madali yung ginagawa niya na masiglang nagwawagayway ng bandila habang ubos-kayang umaawit.

Mahusay din ang beteranong si Lou Veloso sa paggampan sa papel na Don Tadeo. Ilang dekada na sa teatro, telebisyona at pelikula si Veloso kaya medyo nadismaya ako nang ang reaksyon ng mga kabataan sa likod namin ay “sya yung fisherman sa Bourne Legacy”.

Naging matagumpay din ang unang tangka ni Direk Carlitos sa entablado. Ang anumang limitasyong teknikal at badyet ng produksyon ay nalagpasan naman ng husay ng paglalahad ng kwento. Kapansin-pansin halimbawa ang paggamit ni Carlitos ng contrast sa mga eksena ng pagdalaw sa bilanguan at tortyur ng mga bilanggo, gayundin ang pagsalubong ng mga ilustrado sa mga Amerikanong mananakop at ang paglaban nina Tenyong sa bagong kolonyalista. Ang mga ito’y sariling interpretasyon ng direktor para lalong tumining ang kabuluhan ng mga eksenang nabanggit.

Ang Walang Sugat ay nararapat na muling itanghal at mapanood ng mas malawak na audience. Tiyak kong maiintindihan at masasapul ito maging ng mga nakababatang henerasyong nasanay na sa mga dayuhang musical. Sa palagay ko’y mainam na mapanood ito, hindi lamang ng mga patron ng sining na dumadayo sa CCP, kundi maging ng ordinaryong mamamayan, mga manggagawa, magbubukid, mga maralita. May maaaring mahalagang ambag ang dula na ito sa pag-aangat ng makabayang kamulatang lubos na kailangan sa panahon ngayon. ###

Image

Comments
  1. nung nasa teatro ako ay bahagi ito ng lecture ng Filipino teacher namin🙂 na refresh ako🙂

  2. claudine tabas says:

    SALAMAt

  3. RICKS says:

    THANK YOU!!!

  4. StrawberryPeppermint says:

    salamat (: nakatulong talaga ito sa aming proyekto (:

  5. Tokz Cabrera says:

    Nice ! Thank You Po ! NakaTuLong po tLga ito !😀

  6. Thank’s po sa more information…..
    Nakakatulong po talaga toh…..

  7. ChixxMicz says:

    Thank you very much nakatulong to sa report ko para bukas😀

  8. ang ganda ng summary…
    natulungan talaga ako nito…
    thank you very very many… joke, much kade

  9. Anazkie says:

    Thank you…makatutulong po Ito para sa aming project.:)

  10. RhOdena Tan says:

    sa panahon ba ito ng Amerikano??

  11. jenny says:

    para sa rection paper q nk2long 2ng summary na 2

  12. ito ho ba yung walang sugat ni macario pineda?

  13. severino reyes ho pala