Maikling paliwanag sa pagtaas ng singil sa kuryente ng Meralco

Posted: January 19, 2014 in Uncategorized
Tags: , ,

Sa Enero 21, nanawagan ang Bayan ng pagkilos sa harap ng Korte Suprema at sa iba pang mga lugar, laban sa pagtaas ng singil sa kuryente ng Meralco. Panawagan ito sa lahat ng galit sa pang-aabuso ng power industry at sa sabwatang Meralco-Aquino.

Magkaano muli ang itataas ng singil sa kuryente ng Meralco?

 

Sa orihinal na plano, isang one-time P3.44kWh increase ang balak nila. Kung kasama ang VAT, aabot ng P4.14/kWh ang itataas ng singil sa kuryente.

Dahil sa public pressure, at para i-preempt ang House hearing, ginawang staggered ng Meralco ang rate hike. Sumulat ito sa ERC. Spread over 3 months na lang daw ang increase. Sa unang buwan pinakamalaki, aabot ng P2.00/kWh

Inaprubahan ng ERC ang mungkahi ng Meralco na gawing staggered ang increase.

Hindi nagkaroon ng public hearing. Ayon sa Meralco at ERC, automatic pass-on ang increase na ito at hindi na kailangan pang dumaan sa public hearing. Mahalaga ang puntong ito sa usapin ng due process at interes ng mga konsyumer.

Ano ang ginawa ng mga tutol sa rate hike?

Naghain ng petition ang Bayan Muna, Gabriela, Kabataan at ACT Teachers partylist sa SC para hilingin ang TRO sa increase. Kasama sa demanda ang Meralco at ERC. Naghain din ng petisyon ang Nasecore.

Nag issue ng 60-day TRO ang SC kontra sa rate hike bago mag-Pasko. Ipinatigil ang koleksyon ng dagdag singil. PERO MARAMI NA ANG NAKABAYAD. Dapat isapubliko ng Meralco kung gaano na kalaki ang nasingil nito bago ipataw ang TRO at kung nasaan ang pera at kung kumikita ito ng interes.

 Ano ang nangyari sa kaso ng Meralco sa SC?

Pinarami pa ng SC ang sangkot. Kasama na ngayon ang mga generation companies, ang DOE, PEMC (spot market) etc. Nakatakda ang oral arguments sa January 21. Halos buong industriya na ang sangkot.

Bakit nga ba tumaas ang singil sa kuryente?

Tumaas ang GENERATION CHARGE ng Meralco. Ang generation ang pinakamalaking item sa ating electric bill. Ang generation rates, hindi tulad ng distribution, ay deregulated. Sa practice ay ginagawang automatic pass through ang mga increases dito. Ipinapasa ng Meralco ang mga increase sa generation rates direkta sa konsyumer nang hindi na dumadaan sa anumang hearing.

Ano ang dahilan ng pagtaas ng generation charge?

Sinasabing ang scheduled Malampaya shutdown ang naging isang salik sa pagtaas ng gen charge. Ang Malampaya ay dumaranas ng scheduled maintenance shut down kada 3 taon. Ibig sabihin ay predictable ito. Alam na mangyayari ito. Pwedeng paghandaan para mapunuan ang shortfall sa kuryente na ireresulta ng shutdown. 

Nagpasya ang Meralco na i-dispatch ang mga planta ng First Gas, na tatakbo gamit ang liquid fuel sa halip na natural gas. Mas mahal syempre ito nang doble sa natural gas. Nagresulta ito ng P1.04/kWh na increase.

Nangontrata din ang Meralco ng kuryente sa ilang mga gencos. Kumuha din ang Meralco ng 11.5% ng kuryente nito sa WESM. Pero labis na mataas ang presyuhan sa merkado dahil sa mga naganap na unscheduled shutdowns ng ilang planta.

Ang 11.5% na kinuha ng Meraco sa WESM ay nag-contribute ng 70% increase ng generation rates ng Meralco. Napakaliit ng share ng WESM sa kabuuang supply na kuryente ng Meralco pero ito ang nagtatakda ng presyo. Ito ang nagpapataas ng presyo. Yung P2.38/kWh sa kabuuang P4.14/kWh ang galing sa WESM!

Source of power
Contribution to increase
WESM P2.38/kWh
Gas Plants P1.04/kWh
Other plants P0.02/kWh

 

 

Source
Share in Meralco input
October 2013 price
November 2013 price
Total price increase
WESM 11.5% P13.74/kWh P33.22/kWh P19.48/kWh
Meralco IPP’s 41.9% P4.90/kWh P6.35/kWh P1.45/kWh
Meralco Power supply agreements 46.5% P4.44/kWh P5.27/kWh P0.83/kWh

 

Paano nangyari na ang 11.5% na kinuha ng Meralco sa WESM ang syang pinakamalaking bahagi ng rate hike? Paano nangyari na umabot sa P33.22/kWh ang average price ng WESM noong Nobyembre?

Nagkaroon ng mga unscheduled outages, nagresulta ito ng “tight supply”. Kailangang imbestigahan bakit sabay-sabay ang outage ng mga plantang ito. May pagsasamantala ba dahil alam nilang magkakaroon ng shortage sa supply bunga ng Malampaya shutdown? Kaya sinabayan nila ng sariling shutdown na magreresulta ng mas mataas ng presyo sa merkado?

Case Study Therma Mobile- Pag-aari ng Aboitiz

May kontrata ang Therma Mobile (diesel plant) na magsupply sa Meralco ng 0.6% ng power requirements nito. Ang presyo nito para sa Nobyembre, ayon sa kontrata, ay P8.65. Pero ayon sa records ng WESM, ang Therma Mobile ay nag-bid sa presyong P62/kWh nang ilang ulit noong Nobyembre at Disyembre. At ito ang humatak pataas ng presyo sa WESM. Ito ang nagpataas ng clearing price.

Paano nangyari na may bilateral contract sila sa Meralco pero nag-bid sila sa WESM ng napakataas?

Bilang may hawak ng supply contract, ang Meralco ang may kontrol sa bid ng Therma Mobile sa WESM. Ang Meralco ang nag-utos na mag-bid ang Therma Mobile ng P62/kWh sa WESM. Lumalabas na Meralco ang may kasalanan sa mataas ng presyo ng WESM dahil inutusan nya ang Therma Mobile na magbid ng mataas, gayong alam niyang hahatakin nito ang presyo pataas, bukod pa sa kumukuha din ng kuryente ang Meralco sa WESM (11.5% noong Nobyembre).

Nakinabang ba ang Meralco sa mataas na bid? Sasabihin ng Meralco at Therma Mobile na kapwa sila hindi nakinabang sa mataas na presyo sa WESM. Dahil na may kontrata na sila na P8.65/kWh, yun lang ang babayaran ng Meralco sa Therma, anuman ang kalabasan ang presyo sa WESM.

Yung ibang mga planta sa WESM ang nakinabang sa mataas na clearing price. Kaya dapat imbestighan, may iba pa bang planta ang Aboitiz na nakinabang sa mataas na clearing price during that time? May sosyo din ba ang Meralco sa iba pang generators sa panahong iyon? Sa mga plantang nag-shutdown, may iba pa ba silang plantang tumakbo na nakanibang sa mataas na clearing price?

Ang nakakainis dito, walang pakialam ang mga generators at maging ang Meralco sa itataas ng singil sa kuryente, dahil nga automatic pass-on naman ito sa consumer. Kahit pa umabot sa P62/kWh ang generation charge, ipapasa lang nila ito sa consumer. Oo nga pala, tinatayang P17 bilyon ang kita ng Meralco noong nakaraang 2013.

Ano naman ang ginagawa ng gobyerno?

Hindi inimebestigahan ang ERC ang posibleng abuso sa merkado. Inaprubahan ang staggered rate hike nang walang hearing. Hindi inimbestigahan ang kakaibang sirkunstansya ng increase sa WESM. Samantala, wala daw magic wand ang Palasyo para ipatigil ang mga rate hike.

Paano ba naman, makikinabang ang gobyerno sa P3.44/kWh increase dahil may dagdag pa itong 70 sentimos na VAT kada kWH. Ipagpalagay na ang Meralco ay nakakabenta ng 2.8 billion kWh sa isang buwan, ang kikitain ng gobyerno sa VAT sa rate hike ay aabot sa P1.96 bilyon sa isang buwan.

That’s P1.96 bilyon for not doing anything! Parang binigyan pa ng reward yung kainutilan ng gobyerno!

Ano ang magagawa ng mamamayan?

Ang problema ay nasa batas at sa klase ng industriya meron tayo. Privatized na ang halos buong industriya ng kuryente, mula generation, transmission at distribution. Tubo na ang gumagabay na prinsipyo dito. Ang patakarang automatic recovery o automatic pass-on ay nagtitiyak na tutubo ang mga pribadong negosyante sa kuryente, anuman ang sitwasyon o kundisyon. Nagagamit pa nga ito para pumasok sila sa mga kwestyunableng kontrata.

Kumabaga, mandato ng Meralco dapat na maghanap ng supply ng kuryente sa least cost o pinakamura. Pero paano nila gagawin ito kung may pribilehiyo sila ng automatic pass-on sa konsyumer, kung saan kahit gaano ka-mahal ang kuryente, ipapasa lang nila ito sa mga customer nila.

Noong ipinapasa pa lang ang EPIRA, nangako ang gobyerno na bababa ang singil sa kuryente dahil magiging mas efficient ang power sector at mawawala ang kurapsyon na matagal nang bumagabag sa Napocor. Fast-forward 10 years, dumoble ang presyo ng kuryente, at ang industriya ay kontrolado na ng iilang makapangyarihang negosyante. May WESM nga pero ito pa ang dahilan ng arbitraryong pagtaas ng singil sa kuryente.

EPIRA ang ugat ng problema. Ang  privatized at deregulated na industriya, kung saan walang accountability sa publiko ang mga pribadong negosyo, ang nagpapahirap sa mga konsyumer. Ang gobyernong walang pakialam sa kalagayan ng konsyumer ang nagpapanatili ng ganitong bulok sa sistema. Ito ang kailangang labanan at baguhin ng mamamayan. ###

Comments are closed.