Madalas na mga tanong hinggil sa China at US

Posted: April 26, 2014 in Uncategorized

 

  1. Bakit ba kayo tutol sa presensyang militar ng US? Hindi ba sila makakatulong laban sa panghihimasok  ng China?

Tutol tayo sa presensyang militar ng US dahil labag ito sa soberanya natin, magdudulot ito ng maraming problema, at porma ito ng panghihimasok ito sa ating bansa at tanda ng hindi pantay na relasyon. HINDI ito makakatulong sa atin laban sa China, tulad nang hindi nakatulong ang US Bases para gawing moderno ang AFP matapos ang mahigit 40 taon. Hindi nakatulong ang mga US bases noon kaya nga hindi na pinalawig ang mga ito mtapos ang 1991. Di rin naging moderno ang AFP matapos ang 15 taon ng VFA at mga Balikatan exercises. Ilusyon lang na tutulungan tayo ng US. Pati yung armas at barko na nakukuha natin sa US ay mga pinaglumaang gamit na sobrang magastos ang maintenance. Sa huli, ang pinoprotektahan ng US ay ang sarili nitong interes at ginagamit lang nito ang hidwaan sa China para maisulong ang agenda nito. Gusto ng US na sya ang maging dominante sa Asya, at ginagawa nitong tuntungan ang Pilipinas.

  1. Pero hindi ba mas OK na andyan ang US para matakot ang China?

Paano naman natin masasabing matatakot nga ang China kung andyan ang US? Eh paano kung hindi natakot at lalong lumala pa ang sigalot? Paano kung magpaligsahan sila sa South China Sea? Paano kung ang presensya ng US ay makapagdagdag pa sa tension? Maiipit tayo sa gitna ng 2 nag-uumupugang higante. Wala tayong panalo dun dahil magkaka-iba ang interes na pino-protektahan nila. Mas malaking probelma ang ireresulta ng presensya ng US kung gayon.

  1. Pero hindi ba susuportahan tayo ng US kung umatake ang China?

Hindi. Walang kasunduan sa ngayon ang nagsasabi na obligado ang US na awtomatikong rumeskbak sa China. Ang anumang aksyon ng US ay kailangan pang dumaan sa Kongreso nito. Malabo ding makipag-gera ang US sa China dahil sa laki ng utang ng US sa China na abot $1.28 trillion. Malaki din ang pakinabang ng US sa investments mula sa China, na umabot sa $14 billion noong 2013. Ang daming produkto ng US ang gawa sa China. Di hamak na mas malaki ang economic interest ng US sa China kumpara sa mga pinag-lalabanang isla at dagat sa South China Sea.

Larawan mula sa Anakbayan

 

  1. Eh bakit hindi kayo mag-rally kontra sa China?

Tutol ang Bayan at mga progresibong grupo sa panghihimasok ng China. Katunayan ay ilang ulit na ring nagprotesta ang mga grupo sa konsulado ng China mula pa nang manghimasok ang China sa Scarborough o Panatag Shoal.

 

Larawan mula kay Noel Celis, galing sa http://www.abs-cbnews.com

  1. Hindi ba ang pagkontra sa US ay pagsuporta sa China?

Hindi tamang lohika ito. Para na ring sinabi na pag ayaw mo ng Jolibee, gusto mo ng McDo. O pag hindi ka Kapuso, Kapamilya ka. Ang pagtutol sa isang bully ay hindi nangangahulugan ng pagsuporta sa isa pang bully. Di natin kailangang pumili kung sino mas gusto natin, yung rapist o yung magnanakaw. Ang nais natin ay maging tunay na independent, nagsasarili sa usapin ng patakarang panlabas. Nang sa gayon, maisulong natin ang pinakamabuti para sa ating pambansang interes, hindi yung mabuti para sa interes ng dayuhan.

  1. Kung ayaw nyo sa sundalong Kano, paano sa tingin nyo dedepnsahan natin ang bansa laban sa China?

Una ay may mga larangang internasyunal na pwede tayong gamitin para sa mapayapang pag-resolba ng problema sa West Philippine Sea. Andyan ang International Tribunal on the Law of the Sea, isang larangang legal. Andyan din ang international opinion para kondenahin ang panghihimasok ng China. Kailangang gamitin ang lahat ng paraang diplomatiko para itaguyod ang ating soberanya. Pero sa long-term, kailangang umunlad ang ekonomiya ng Pilipinas para magkaroon ito ng kapasidad na depensahan ang teritoryo nito. Sa pag-unlad ng ekonomya, magkakaroon tayo ng barko at iba pang gamit para depensahan an gating teritoryo. Magagawa lang ito kung tunay na independiente tayo. Hangga’t umaasa tayo sa mga dayuhang kapangyarihan tulad ng US, mananatili tayong mahina. Estratehiya yan kasi ng US, yung panatiliin tayong nakaasa para madali nila tayong nadidiktahan. Kailgangang kumawala tayo sa anumang dayuhang dikta, mula sa China man o sa Amerika.

 

RELATED: 7 things you need to know about the Obama administration 

 

Protesta laban sa pagkawasak ng Tubbataha Reef dahil sa pagsadsad ng barkong pandigma ng US. Hanggang ngayon ay di pa rin nagbabayad ng danyos ang US. (Larawan mula kay Leon Dulce)

Comments
  1. […] ng CymBio ay epektibong feed additive para ma-maximize ang paggamit ng baboy sa kanilang kinakain na mga feeds o kahit kanin-baboy. sa prosesong ito, nawawala din ang masangsang na amoy sa babuyan. at […]