26 TAON NG MAPANLINLANG NA SOCIALIZED TUITION SA UP

Posted: April 16, 2015 in Uncategorized

Mula noon hanggang ngayon, mayor na battleground sa UP politics ang STFAP/STS o socialized tuition. Dito nagkakaalaman kung sino talaga ang para sa estudyante at sino ang kontra-estduyante.

Ang karaniwang focus ng debate ay ang socialized tuition vis-à-vis kawalan ng sapat na budget para sa UP.

Ang basic premise ng STFAP/STS noong 1989 ay ang pagtanggap sa realidad na binabawasan ng gobyerno ang budget para sa edukasyon at serbisyong panlipunan. Kung may nominal increase man sa budget ay hindi pa rin ito sapat para sa kabuuang gastusin sa edukasyon.

Malakas ang impluwensya ng mga institusyon ng neoliberalismo tulad ng IMF-WB noong dekada ’80 sa mga programa ng gobyerno. Sa ilalim ni Cory Aquino, tinutulak ang pribatisasyon sa mga serbisyong panlipunan at pagbabawas ng subsidyo upang makabayad ng utang ang gobyerno ng Pilipinas. Kasama na ring sinulong ang liberalization at deregulation sa panahong ito. Itinaguyod din kasi ni Cory ang Automatic Appropriations Law ni Marcos kaya ang pinakamalaking gastusin ng gobyerno ang pagbabayad ng utang, hindi edukasyon.

Dahil may kakulangan sa pondo ang UP, kailangang humanap ng ibang pagkukunan. Ang kagyat na pinagkunan ng ay ang mga estudyante mismo, mula sa kanilang bulsa. Kinailangang magtaas ng matrikula. Ganito ang thinking ng mga dating pangulo ng UP na sina Angara at Abueva noong 80’s, parehong nagpatupad ng Tuition Fee Increase (TFI) noong 1984 at 1989.

Pero para hindi naman masyadong garapal, binihisan ang tuition increase at tinawag na “socialized tuition”. Kunwari ay may mabuting tunguhin– na yung may kaya ang magbabayad para sa walang kaya – pero ang totoong layunin pala ay ipasa sa estudaynte ang responsibilidad ng pagpondo sa edukasyon.

Anti-thetical o taliwas ito sa esensya ng pagiging isang state university ng UP. Inaalis nito sa estado ang responsiblidad ng pagpapa-aral sa kabataan. Tinatangap nito ang maling premise na hindi na lalaki ang badyet para sa edukasyon. Tinatanggap din nito ang maling prayoridad ng gobyerno na mas gusto pang maglalaan ng pondo sa mga programang wala namang pakinabang ang mamamayan.

Lumilikha din ito ng ilusyon na maaaring magkaroon ng social justice sa loob ng UP nang hiwalay sa kabuuan ng lipunan. Hinihiwalay nito ang mga UP students sa laban para dagdagan ang budget ng edukasyon at para baguhin ang lipunan. Sa ilalim ng STFAP/STS, kaya na ng UP magsarili.

Pinakamasahol na panlilinlang ng STFAP/STS ay ang taunang pagtaas ng matrikula habang papaliit ang bilang ng mga “beneficiaries”. Ang STFAP/STS ang pinakamasahol at pinakamapanlinlang na ekspresyon ng Tuition Fee Increase sa UP.

Nagaganap ang TFI sa pamamagitan ng rebracketting o kaya ang mga periodic na across-the-board TFI tulad noong 1989 (naging P200/unit), 1992 (naging P300/unit) , na umabot sa P1,000/unit nung panahon ni GMA at P1,500/unit sa panahon ni Aquino.

Kung talagang napakagaling ng sistemang STFAP/STS, bakit hindi umiiksi ang pila sa loan board? Bakit may mga pumapasa ng UPCAT na hindi nagtutuloy dahil sa taas ng bayarin?

Ano ang alternatibo sa STFAP/STS?

Mula noong hanggang ngayon, malinaw ang alternatibo ng mga progresibo. Dagdag na subsidy sa UP para signipikanteng maibaba ang tuition. Dagdag na subsidy rin para palawigin pa ang programang scholarship ng gobyerno para sa mga estudyanteng wala talagang pagkukunan ng pambayad (yung mga STFAP Bracket 1-4 noon o Bracket E ngayon).

Ibig sabihin, hindi tinatanggap ng mga estudyante ang maling premise na walang pondo para sa UP at sa sistemang edukasyon sa kabuuan. Anumang programa na naglalayong i-reporma lang ang STFAP/STS ay nangangahulugan nang pagsuko at pagtanggap sa kawalang prayoridad ng gobyerno sa edukasyon. Pagpayag ito sa pag-abandona ng estado sa responsiblidad nito. Hindi maaaring i-reporma ang programang sa umpisa pa lang ay komersyalisasyon na ang layon.

Hindi na bago ang tangkang i-reporma ang socialized tuition ng UP. Tinangka ito ng UP student movement noong 1990. Nagsikap gumawa ng sariling bersyon ng mas “demokratikong” STFAP. Pero nauwi lang ito sa pagtutulak ng rebracketting at mas mahol pa, nagbigay daan para sa pagtaas ng matrikula noong 1992. Kaya di nakapagtataka na ang mga sumunod na tangka ng reporma at rebracketting sa STFAP/STS ay nauwi din sa pagtaas ng matrikula.

Kung sasabihin ng ilan na mali naman na i-subsidize pa ang paparaming bilang ng “mayayamang” estudyante sa UP, ipakita natin na kasalanan ng STFAP/STS at ng pag-abandona ng pambansang pamahalaan kung bakit nababawasan ang bilang ng mahihirap sa UP. Kaya nga sinusulong natin ang pagbasura sa STFAP/STS, para madagdagan ang mga estudyanteng mula sa pamilyang low-income.

Sa kongkreto, dapat lakihan ang subsidy per student. Noong late 90’s ay sinasabing aabot ng P24,000 ang cost of education per student. Magkano kung gayon ang kailangan para mapaaral ang buong student population ng UP nang libre? Siguradong mas maliit naman ang halagang ito kumpara sa ginagastos para sa debt servicing at presidential pork. Bakit hindi kayang ilaan ito ng gobyerno?

Sa huli, ang pagkilos ng mga estudyante ang magtatakda kung magkaano sa aktwal ang magiging tuition sa UP. Ang malinaw, hindi dapat P1,500/unit ang binabayaran ng mga estudyante. Ang malinaw ay mali at mapanlinlang ang iskemang STFAP/STS. Hindi rin indispensable ng STFAP/STS. Hindi ito ang tanging paraan o balangkas ng pagbabayad ng tuition sa kasaysayan ng UP.

Sa 2019 ang ika-30 taon ng iskemang socialized tuition sa UP. Napapanahon na magkaroon ng malakas at sustenidong kampanya sa susunod na apat na taon para ibasura ang kontra-estudyante at kontra-mamamayang programa na ito.

"May sofa kayo? #BracketAKaNa"

Comments are closed.