Ang dapat marinig na pangako sa mga tumatakbo bilang Pangulo

Posted: September 17, 2015 in Uncategorized

HAMON NI TED FAILON SA MGA KANDIDATO

Talumpati ng kandidato sa pagka-pangulo na sa halip na maglitanya ng mga pangako ay nagsaad ng mga HINDI nya gagawin kapag nanalo
September 17, 2015

Ako po si _____________… kandidato pagka-pangulo sa 2016… sa halip na mangako po ako sa inyo kung ano ang aking gagawin… ang ipapangako ko po sa bawat isang pilipino ay ang mga hindi ko gagawin.

Una, hindi ako mag-aappoint ng mga magnanakaw sa gobyerno… hinding-hindi ko rin kukunsintihin ang mga magnanakaw na ito.

Pangalawa, hindi ko paglalaruan ang pambansang budget at hindi ko gagalawin ang mga budget na nakalaan para sa gawaing-bayan para lamang palabasin na mayroong savings at tatawgin kong disbursement acceleration program.

Pangatlo, hindi ko ipauubaya sa isang suspendidong opisyal ang isang napakalaking police operations, kahit pa bestfriend ko ito.

Pang-apat, hindi ko isasakripisyo ang kapakanan ng ordinardyong mamamayang pilipino para paboran ang iilang negosyanteng bilyonaryo.

Hindi papasok ang gobyerno sa alinmang kontrata na ipagkakanulo ang bayan… at hindi ako makakapayag na ang mga pilipino na gigisahin sa sariling mantika at sila pa ang bibili ng bawang, sibuyas at kamatis.

Pang-lima, hindi ko ipagkakatiwala ang pangangasiwa isang ahensya ng pamahalaan sa taong inuuna ang pansariling ambisyon sa pulitika sa halip na tugunan ang mga suliranin sa kanyang kagawaran.

Pang-anim, hindi ko titingnan kung ano ang kulay sa pulitika ng isang pamayanan lalo na sa panahon ng mahigpit na pangangailangan. Hindi ko rin sasabihing “buhay ka pa naman” sa taong may matinding pinagdadaanan.

Pang-pito, hindi ako magiging bulag sa mga anomalya na kinasasangkutan ng aking mga kapartido at mga kaibigan. Hindi ko rin pipiliin kung sino ang mananagot at kung sino ang lulusot.

Pang-walo, hindi ko ipagpapalit sa huwad na kapayapaan ang teritoryo at soberenya ng bansa… at hindi ako pauuto sa mga dayuhan na nagsusulong ng kanilang interes sa katimugang bahagi ng pilipinas.

Pang-siyam, hindi ako magsisinungaling upang pagtakpan ang kapalpakan ng aking mga tauhan. Hindi ko dadaanin sa parinig at palipad-hangin ang mga gusto kong sabihin.

At pang-sampu, hindi ko ipagpapatuloy ang tuwid na daan kung hindi naman ito umaandar dahil sa tindi ng trapik!

At pahabol pa… hindi ako maniniwala sa sasabihin ng kalihim ng kagawaran ng agrikultura na ang bansa ay self sufficient na sa bigas gayung sa katotohanan, palaki ng palaki ang volume ng inaangkat nating bigas.

At huling pahabol, hinding-hindi ako mapupuyat nang dahil sa walang kapararakang gawain, kaya tuloy lagi akong tanghali kung gumising.

At last na talagang pahabol, hindi ako magpapatay ng cellphone habang alam ko na may ginagawang maselang oplan ang pulisya na ako mismo ang nag-utos na gawin sa delikadong lugar.

Comments are closed.