Gloc 9: Pambihirang Kwento ng Isang Makata

Posted: October 28, 2015 in Uncategorized

IMG_5688

Si Gloc 9 na ang itinuturing na tagapagdala ng bandila ng Pinoy rap at hip-hop sa kasalukuyang panahon. Pero sa kabila ng inabot na prestihiyo sa larangan ng musika, pinipili pa rin ni Gloc, o Aristotle Pollisco, ang maging mapagkumbaba. Kuntento na siya na tawaging “Alalay ng Hari”, o tagahanga’t katuwang lamang ng yumaong Francis Magalona.

Tumatawid ang kanyang impluwensiya mula sa tradisyunal na base ng hip-hop hanggang sa akademya, sa mga aktibista, at sa mga karaniwang takapakinig mula sa iba’t ibang katayuan sa lipunan. Isa na ang Pambansang Alagad ng Sining na si Bien Lumbera sa mga tagasuporta ni Gloc.

Umabot na ng 18 taon sa industriya si Gloc. Isa na siyang haligi sa larangan ng musika. Masaklaw ang mga paksa ng kanyang mga kanta; mula sa pagsisikap niya na makilala sa industriya,  pagbaka sa kahirapang kanyang kinagisnan, hanggang sa kritisimo sa mga panlipunang silurinan.

Katunayan, bibihira ang mga musikerong umabot na sa katayuan ni Gloc na nananatiling tapat at mapangahas sa pagsisiwalat ng mga katotohanan ng lipunan. Mula sa kalagayan ng mga OFW’s sa “Walang Natira”, kalagayan ng mga LGBT sa “Sirena”, kabulukan ng sistema sa pulitika sa “Upuan”, “Salarin” at “Kunwari” , kahirapan sa “Inday”, prostitusyon sa “Magda” at ang trahedya ng mahihirap sa “Lando”. Walang kompromiso sa matalas na kritisismo.

Kung tutuusin, ang kanyang pinakahuling mainstream success ay dahil mismo sa kanyang madamdaming pagpuna sa mga isyung panlipunan. Ang kanyang pananaw ay nagmula sa sarili niyang mga karanasan bilang isang batang lumaki sa Binangonan, Rizal, anak ng isang OFW, nag-aral sa pampublikong paaralan at nagtrabaho kung saan-saan. Lumilitaw na sinsero at hindi imbento ang mga binibitiwan niyang salita. Lalo pang lumawak ang kanyang tagapakinig dahil ang mga paksang tinatalakay niya ay malapit sa puso’t ng mga ordinaryong Pilipno.

IMG_5680

Gaya ng mga artistang tumatagal sa industriya, kakakitaan din ng pagbabago at pag-unald ang pagsulat ni Gloc 9. Kung noong una ay nakasentro sa sariling mga problema at pagsisikap, ngayon ay mas nagtutuon na siya sa problema ng ibang tao. Nasa pusisyon na siya para magpayo (Huminahon Ka).

Di rin siya nahihiyang aminin na malaki ang impluwensiya sa kanya ni Eminem. Pakinggan nyo ang “Tinta” at parang nakikinig ka sa Pilipinong Marshall Mathers. Pero hindi simpleng nangopya lang ng tiyempo at ritmo si Gloc. Pinaunlad niya ang kanyang sining . Nakipagtulungan at natuto sa iba pang mga artista’t musikero na kanyang iniidolo. Marahil ang patuloy niyang kolaborasyon ang nagsilbing isang paraan tungo sa patuloy na ebolusyon ng kanyang tunog. Mapapakinggan sa kanyang mga akda ang boses kapwa ng mga beterano at mga baguhan sa eksena. Walang iisang pormula o pamantayan para sa kolaborasyon. Mula Regine Velasquez haggang kay Jay Contreras ng Kamikazee. Mula Bamboo, Rico Blanco at Cookie Chua.

Wala na nga sigurong kailangang “patunayan” si Gloc sa larangang pinili niya. Sabi nga niya sa “Pison”, di na niya kailangang ipilit pa kung sino na nga ang pinakamabilis sa bigkasan at bagsakan. Marahil ang kanyang misyon ay ang patuloy na bigyang dangal ang tugtugang kanyang tinanganan ng 18 taon at hamunin ang mga nakababata na itaas din ang antas ng kanilang sining. Sa inabot niyang prestihiyo at impluwensya, tumatayo na rin siyang guro sa kasalukuyan at susunod na henerasyon na hahawak ng mikropono.

Kamakailan ay inilunsad ang serye ng tugtugan ni Gloc sa Music Museum bilang paggunita ng kaniyang anibersaryo sa industriya at kaarawan. Ang konsyerto ay tumatayo na ring maikling talambuhay ni Gloc. Hitik sa impormasyon kung paano niya naisulat ang ilan sa kanyang mga obra at mga pinagdaanan niya sa kanyang makulay na buhay.

Ika-apat at huling gabi na sa Oktubre 31. Sana’y mapanood ninyo at maranasan ang isang napakaganda at napakahusay na produksyon, ang pambihirang kwento ng isang makata. ###

IMG_5708

Comments are closed.