Ang STAND UP at kilusang estudyante sa UP

Posted: March 30, 2017 in Uncategorized

12909478_10154068804996740_7847045706941493788_oAng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights – UP o STAND UP, ay isang progresibong alyansa ng mga estudyante ng UP Diliman na itinayo noong Hulyo-Agosto 1996 sa panahon ng paglahok sa halalang pang-kampus. Makabayan at demokratiko ang oryentasyon nito. Pinangunahan ito ng mga pambansa demokratikong organisasyong tulad ng LFS, CNS, PSC, SCM, Gabriela Youth, Alay Sining at CSJP at mga progresibong fraternity at sorority tulad ng Sigma Kappa Pi, Sigma Delta Pi, Gamma Sigma Pi, Lambda Sigma Pi, EMC2 at Astrum Scientis at mga progresibong regional organizations tulad ng Ibalon. Marami sa mga unang kasapi ng STAND UP ay nagmula pa sa naunang alyansa na Sandigan para sa Mag-aaral at Sambayanan o SAMASA.

 

Ang STAND-UP ang nagpatuloy ng progresibong tradisyon ng mga naunang alyansa sa UP tulad ng Partisans at Sandigang Makabansa noong dekada 60-70 at SAMASA noong dekada 80-90. Bahagi tayo ng militante at makabayang tradisyon ng kilusang kabataang estudyante sa UP mula pa sa panahon ng SCAUP noong 1959 at Kabataang Makabayan noong 1964. Hindi mabubuo ang STAND UP kung wala ang mga naunang organisasyon at progresibong alyansa ng naghawan ng landas para sa atin. Mahalaga na hindi natin malimot ang kasaysayan at hindi natin ihiwalay ang sarili sa naging pag-unlad at pagsulong ng kabuuang kilusang estudyante sa UP Diliman.

 

Ang mga naunang progresibong alyansa noong 60’s-70’s ay lumaban para sa demokratikong karapatan sa kampus at kontra sa gerang interbensyon ng US sa Vietnam. Kasama ang UP student movement sa mga lumahok sa makapangyarihang Sigwa ng Unang Kwarto na nagtambol ng linyang pambansang demokrasya. Tampok din sa kasaysayan ang Diliman Commune noong 1971. Ang UP student movement ay nasa unahan ng paglaban sa martial law at diktadurang US-Marcos. Marami ang lumahok sa armadong pakikibaka at itinanghal na mga martir ng bayan.

 

Ang SAMASA ay itinayo noong 1980 bilang sentro ng militanteng pakikibaka para sa pagbabalik ng demokratikong karapatan sa kampus, kabilang ang mga campus publications at student councils. Kalahok din ito sa pagpapabagsak sa pasistang diktadurang US-Marcos. Binuo ito nang mahigit 100 organisasyong estudyante. Matapos mapabagsak ang diktadurang US-Marcos, ikinampanya din nito ang paglalansag sa mga base militar ng Kano noong 1991. Nilabanan nito ang total war ni Cory Aquino at ang unang pagpapatupad ng mapanlinlang na STFAP/TFI noong 1989 at TFI noong 1992.


Katunggali ng SAMASA noon ang Tugon na mas kiling na soc-dem, gayundin ang ISA na ang ilang miyembro ay nagmula pa sa SAMASA. Matapos ang ilang taon, lumiit din ang SAMASA mula sa orihinal nitong bilang.

 

Sa panahon ng dekada 90, umigting ang tunggalian sa loob ng SAMASA matapos mabahura ito sa repormismo, lokalismo at kompromiso. Kinuwestyon ng ilang namumuno ang halaga ng militanteng paglaban. Pinagdudahan ang kapasidad ng mga estudyante na maunawaan ang ating pagsusuri sa mga problema ng lipunan at ang makabayang alternatibo dito. Sa halip na ibasura ang STFAP, naghanap ng paraan para i-reporma ito. Sa halip na ipaglaban ang dagdag na badyet sa edukasyon mula sa estado, nagkasya na lang sa paghahanap ng alternatibong pagkukunan ng pondo. Sa halip na ipaglaban ang radikal na pagbabagong panlipunan, naghahanap lagi ng kagyat at kongkretong tagumpay, kahit na nauuwi sa hindi prinsipyadong kompromiso.

 

Marahil pamilyar sa atin ang mga konseptong ito dahil buhay pa rin ang repormismo, bagama’t naghihingalo na at ilang ulit nang itinakwil ng masang estudyante. Nandyan pa rin ang repormismo bagama’t ibang mga partido na ang nagdadala nito sa ngayon. 

 

Mahalagang ipunto na palagian ang tunggalian sa repormismo sa UP dahil itinataguyod ito ng mismong pamantasan na may reaksyunaryo at kolonyal na oryentasyon. (Halimbawa, sa panahon na ipinapasa ang STFAP noong 1989, itinaguyod ng UP admin ang repormistang linya na maaaring magkaroon ng tunay na democratization sa UP nang hiwalay sa pagbabago ng sistema sa edukasyon at sistema ng lipunan).

 

Sa bahagi ng SAMASA, nang naging malinaw na tumigas na ang repormismo sa pamunuan nito, nagpasya na ang mga progresibong grupo na umalis na sa alyansa upang magtayo ng bagong grupo.

 

Kung susumahin ang kasaysayan, dapat pa ring kilalanin ang malaking positibong ambag ng SAMASA sa kilusang kabataang estudyante at kilusan ng mamamayan, habang pinupuna naman ang mga naging kahinaan at kamalian nito, lalung-lalo na ang repormismo. Dapat ding patuloy na itanghal ang mga martir mula sa mga kasaping organisayson ng SAMASA tulad nina Lean Alejandro, Alvin Dulfo at Joselito Ame.

 

Tunggalian at paghihiwalay

 

Ang STAND UP ay produkto ng matinding tunggalian laban sa repromismo sa loob ng SAMASA. Ang pagtatayo ng STAND-UP ay kongkretong tugon sa lumamalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan at sa mahigpit na pangangailangan abutin ang mas malawak ng masang mag-aaral at pakilusin sila para ipaglaban ang kanilang pambansa at demokratikong interes.

 

Hindi naging madali ang pagtatayo ng bagong alyansa. Dumaan tayo sa isang awkward period noong 1995 kung saan tinawag natin ang sarili bilang SAMASA TMMA o Tunay, Militante at Makabayang Alyansa. Siyempre nakakalito ito sa masang estudyante dahil nga naman parehong gamit ang pangalang “SAMASA”. Tila hindi pa tayo maka-let go at maka-move on.

 

Noong 1996, ang mga organisasyong bahagi ng TMMA ay nag-inisyatiba na bumuo ng malapad na alyansang elektoral. Ito ang magiging unang STAND UP. Nakuha pa nito ang suporta ng mga organisasyon tulad ng SAMASKOM, UJP, Ibarang at iba pang fraternity, sorority at academic organizations. Ngunit sa kabila ng lapad na inabot, nabigo ang STAND UP na maipanalo ang mayorya ng kanyang pinatakbong kandidato sa unang sabak nito sa eleksyon. Malaking disbentahe na walang napatakbong chairperson ang STAND UP. Biiruan noon, “kaya nag-stand up kasi walang chair”. Hindi rin masiglang naisulong ang mga lokal at pambansang pakikibakang masa na siyang mag-iiba sa atin sa iba pang alyansang pangestudyante. Pero sa halalang ito ay nakapagpundar ng pangalan at ugnayan ang ating alyansa. Ipinagpatuloy ang pagbubuo at pagkokonsolida ng STAND UP lagpas sa eleksyon.

0fd6e-boycott-duotone1

Rally sa Malacanang, taong 1999 para itaas ang budget sa edukasyon. Sa larawan ay mga mag-aaral ng UP na kabahagi ng STAND UP. Marahas na dinisperse ng pulis ang rally matapos umabot sa Gate 7 ng Malacanang ang nagpo-protesta. Apat na student leaders ang inaresto.

Lilipas pa ang ilang taon ng pagpupunyagi at sunod-sunod na pagkatalo sa eleksyon. Sa kabila ng kabiguan, hindi bumitiw sa linya ang STAND UP. Kahit wala sa pamunuan ng konseho, ilang taong nilabanan nito ang Commonwealth Property Development Plan o CPDP. Inilatag nito ang pagsusuri kaugnay ng komresyalisasyon ng “idle assets” at ang ugnayan nito sa kolonyal at komersyalisadong oryentasyon ng edukasyon sa UP. Patuloy nitong tinutulan ang STFAP at pagtalikod ng estado sa responsiblidad nito sa edukasyon. Nilabanan nito ang mga mapanupil na patakaran sa kampus. SInuportahan nito ang mga pakikibaka ng mamamayan tulad ng People’s Caravan laban sa APEC sa Subic, mga welga ng manggagawa ng SM, Manila Hotel, Grand Boulevard Hotel at LRT. Kasama ito sa kampanya laban sa pagtaas ng presyo ng langis, all-out war sa Mindanao at laban sa pagpapatibay ng RP-US VIsiting Forces Agreement.

 

Kinikilala natin ang mga naging kahinaan sa panahon ng 1996-1999 sa usapin ng pagsusulong ng lokal na pakikibaka, pag-uugnay nito sa mga panlipunang usapin, pagdadala ng tamang political line at mass line, wastong pakikipag-alyansa sa mga progresibo at positibong pwersa sa kampus, at mahigpit na pakikipagkapit-bisig sa aping mamamayan. Nagsikap ang STAND UP at ang militanteng kilusang estudaynte sa UP na lutasin ang mga problema at lagpasan ang mga kahinaan.

 

Makabuluhang pagsulong

 

Magaganap ang malaking pihit nang pangunahan ng STAND UP, kasama ang iba pang sektor sa pamantasan, ang pambansang pakikibaka laban sa budget cuts at komersyalisasyon sa UP noong 1999. Mula Kamara, Senado hanggang Palasyo, nagmarka ang mga militante at papalaking pagkilos ng mga mag-aaral ng UP. Nauna nang pinangunahan ng STAND UP ang pagbubuo ng malapad na alyansang Ugnayan ng Mag-aaral Laban sa Komersyalisasyon o Umaksyon at ang multisectoral na KilBac o Kilusan Laban sa Budget Cuts.

 

Ang sigla ng lokal at sektoral na pakikibaka ay sinabayan pa ng pagtindi ng krisis sa pulitika sa panahon ng rehimeng Estrada. Humugis na ang malawak na hanay kontra-Estrada at lumaganap ang mga protesta. Naubo na rin sa panahong ito ang komprehensibong organisasyon ng kabataan, ang Anakbayan.


Sa taong 2000 ay natamo ng STAND UP ang unang landslide na panalo sa konseho. Lahat nang tumakbo sa university-wide slate ay nakapasok. Sa pagbabalik ng militansya sa konseho, pinamunuan ng STAND UP ang ang mas malawakang pagkilos kontra sa budget cuts at komersyalisasyon ng edukasyon. Mangunguna din ang STAND UP at USC sa pagpapakilos ng libo-libong estudyante sa pag-aalsang EDSA 2.

9e1d8-budget

Protesta at die-in ng mga UP students kontra sa budget cuts sa panahon ng deliberasyon sa Senado.

Masusundan ito ng ilang taon ng dominanteng pagkapanalo sa konseho at matatagumpay na kampanya tulad ng pagbabasura sa ROTC. Mangunguna ang STAND UP sa student strikes, walk out at mga martsa para sa demokratikong karapatan sa edukasyon. Kalahok din ang STAND UP sa malawak na kilusang nanawagang patalsikin si Gloria Macapagal Arroyo dahil sa pandaraya sa eleksyon, kurapsyon at pasismo. Hanggang sa panahon ni Aquino, hindi tumigil ang STAND UP sa pagbibigkis ng mga mag-aaral para ipaglaban ang pagbabago.

 

May mga panahon din na nalasap ng STAND UP na sunod-sunod na pagkatalo sa konseho. Sa mga panahong ito ay nagkaroon ng kahinaan sa pagsusulong ng pakikibaka ng estudyante at mamamayan, kahinaan sa pagdadala ng linyang makabayan at demokratiko, pagdadala ng wastong linyang masa, kahinaan sa gawaing alyansa at maging kahinaan sa usaping pang-organisasyon.

 

Kadalasan natatalo tayo kapag hindi natin napanghahawakan ang mga isyu’t pakikibaka ng estudyante at mamamayan. Kadalasan natatalo tayo kapag hindi natin sapul ang pangunahing mga isyung kinakaharap ng mga mag-aaral at kung gayon ay hindi malinaw ang dalang mensahe o linya ng ating kampanya. Kadalasan natatalo tayo kapag makitid ang ating balangkas ng pagpapakilos o kapag hindi natin nabubuo ang malapad na pagkakaisa ng mga estudyante para ipaglaban ang kanilang mga interes at interes ng mamamayan. Natatalo tayo kapag walang solidong base na aasahan nating magsulong ng laban.


Natatalo tayo kapag hindi natin mapagpasyang nailalantad ang repormismo at mga grupo at institusyon na nagdadala nito sa kampus.  Natatalo tayo kapag hindi malinaw na naiguguhit ang linya para sa makabuluhang pagbabago at kapag hindi napagkakaisa ang pinakamalawak at pinakamalapad para sa layuning ito. 

 

Susi kung gayon ang walang-humapay o buong-taong pagbubuo ng malawak na pagkakaisa ng masang estudaynte at kanilang patuloy na paglaban sa iba’t ibang isyung lokal at pambansa. Sa halalang pangkampus, mahalaga na may simple at matalas na mensahe na kayang pagkaisahin ang pinakamarami. Susi din ang mga taktikang alyansa para abutin at pakilusin ang iba’t ibang tipo ng suporta. Maraming organisasyon ang sumusuporta sa STAND UP tuwing eleksyon kahit hindi sila pormal na kaanib ng alyansa. Lubhang mahalaga ang mulat na pagbaka, kapwa teoretikal at praktikal, sa mga repormistang ideya at mga gawi ng mga katunggaling partido. Pinakamabisang paraan ng paglalantad sa repormismo ay ang militanteng pagsusulong ng mga laban nga mag-aaral at mamamayan. Sa aktwal na pakikibaka, sa pagkakaroon ng karanasana sa pulitika, nagiging malinaw sa masang estudyante ang kaibahan ng linyang militante at repormista. 


Sa tinagal-tagal ng paglahok natin sa eleksyon, nakahalaw din tayo ng maraming aral sa pagbubuo at paglalatag ng makinarya sa iba’t ibang kolehiyo at departamento. Nasapol na rin natin ang wastong kumbinasyon ng mga kandidatong may subok na track record sa pamumuno at popular na suporta. Siyempre pa, tayo lang ang alyansang nagtatamasa ng suporta mula sa iba’t ibang sektor ng pamantasan, mula sa mga guro, kawani, komunidad, tsuper at manininda.

 

Sa pagpupurisge ng mga kasama– sa pamamagitan ng puspusang pakikibaka at matatag na pamumuno kahit wala sa konseho– nakakabawi ang STAND UP mula sa mga pagkatalo.

 

Tumatanaw na ang STAND UP sa ika-21 taon nito ngayong 2017. Halos lahat ng katunggaling alyansa ng STAND UP nang ito ay itinatag ay hindi na lumalahok sa eleksyon. Marami sa dating kasaping organisasyon ng SAMASA ay matagal na ring sumanib sa STAND UP.

 

Sa ngayon, ang STAND UP ang pinakamatagal o longest-standing university-wide student alliance o political party na lumalahok sa eleksyon sa kampus. Hihigitan na nito ang dalawang-dekadang kasaysayan ng SAMASA. Aabutan pa nito ang ika-30 taon ng socialized tuition sa UP sa 2019. Ito na ang inabot ng 20 taon ng militanteng pakikibaka at puspusang paglilingkod sa sambayanan.

 

Sa loob ng 20 taon, maraming alumni ng STAND UP ang tumampok sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka at iba’t ibang propesyon sa lipunan. Nagpupugay tayo sa mga martir na nagmula sa mga kasaping organisasyon ng STAND UP, silang nag-alay ng panahon at buhay para sa pagpapalaya ng sambayanan. Sa bawat anibersaryo ng alyansa, marapat na alalahanin sila at ipagbunyi bilang mga huwaran para sa mga kabataan.

 

Sa pasupusang pakikibaka at sa di matitinag na pananalig sa lakas ng masa, tiyak na aani pa ng mas maraming tagumpay ang STAND UP sa susunod na dekada. ###


*Ang may akda ay naging lider ng LFS UP Diliman at bahagi ng SAMASA mula 1992-94. Kabilang siya sa mga nagtatag ng STAND UP noong 1996. Naging unang tagapangulo din siya ng Anakbayan.

13043705_10154107043061740_177194651293029696_n

Advertisements

Comments are closed.