Mula Tondo hanggang EDSA-Mendiola: Unang 3 taon ng Anakbayan (1998—2001)

Posted: November 29, 2015 in Uncategorized

Renato Reyes, Jr. Unang tagapangulo, Anakbayan

(Sa alaala nina Marvin, Gypsy at lahat ng mga martir ng Anakbayan)

Itinatag ang Anakbayan noon Nobyembre 30, 1998, o 34 taon matapos itatag ang Kabataang Makabayan, sa mismong kaarawan ng namuno sa himagsikang 1896 na si Gat Andres Bonifacio. Tuwirang humalaw ng insipirasyon ang Anakbayan sa maningning na tradisyon ng Katipunan ng 1896 at Kabataang Makabayan ng 1964.

Layon ng pagtatatag ng Anakbayan ang bigkisin ang lakas ng kabataang Pilipino mula sa hanay ng manggagawa, magsasaka, estudyante, propesyunal, maralita, katutubo at iba pa, para sa pambansa demokratikong pakikibaka ng mamamayan. Ang Anakbayan ay nagsilibing komprehensibong organisasyong masa ng kabataan para sa pambansang demokrasya. Hangad nitong abutin sa pinakamabilis at pinakamasaklaw na paraan ang kabataan sa lahat ng panig ng bansa, at makapag-ambag para sa pagpapalakas ng pambansa demokratikong kilusan ng mamamayan.

Ang pagbubuo ng Anakbayan ay isang mayor na tagumpay sa mga pagsisikap para palawakin at palakasin ang kilusang kabataan mula sa mga kamalian at paglihis noong dekada ‘80. Humalaw ito ng inspirasyon, at naging posible lamang dahil sa tinatawag na “Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto”. Ang IDKP ay nagkaroon ng di maitatangging malalim at pangmatagalang epekto sa buong kilusang masa.

Bago naitayo ang Anakbayan, wala pang komprehensibong organisasyon ng kabataan sa ligal na demokratikong kilusan. Malaking bahagi ng pag-oorganisa ay nakapokus sa mga paaralan.

Mula nang kumilos nang lihim ang KM matapos ang deklarasyon ng Batas Militar noong 1972, walang pumalit na komprehensibong organisasyon ng kabataan sa hayag na kilusang masa sa panahon ng pakikibaka laban sa diktadurang US-Marcos. Lumitaw ang League of Filipino Students noong 1977 bilang alyansa at kinalunan ay organisasyong masa ng estudyante. Nagpursige naman ang Student Christian Movement na mas nauna pa sa LFS. Nagkaroon ng Youth for National Democracy pero maikling panahon lamang ito. Naitayo din ang Kabataan para sa Demokrasya at Nasyunalismo o KADENA para sa mga kabataan sa komunidad.

Pero mula dekada 80 hanggang maagang bahagi ng dekada 90 ay walang komprehensibong organisasyon ng kabataan na umiral. Sa kanyang mensahe sa Kongreso/Kumperensya ng LFS noong 1984, nagpahiwatig na si Prof. Jose Ma. Sison, tagapagtatag na pangulo ng KM, at noo’y bilanggong pulitikal, na ang LFS, dahil sa lawak na nang inabot nito, ay maaaring tumungo sa pagiging komprehensibong organisasyon ng kabataan. Hindi natugunan ang mungkahing ito.

Inabutan na ang kilusang kabataan-estudyante ng mga malulubhang pagkakamali sa oryentasyon na nagresulta sa paghina at pagliit nito sa pagpasok ng dekada 90. Kumitid lalo ang pag-oorganisang nakasentro sa estudyante. Kinailangan din ng pagbabalik at muling pagpapatibay sa mga batayang prinsipyo ng pambansa demokratikong kilusan. Nilagom ng sektor ang mga karanasan at tinukoy ang kahinaan at sinikap na ibwelo ang kilusang masa sa pamamagitan ng mapangahas na pagsusulong ng mga pakikibakang masa, pagsusulong ng kilusang pag-aaral at pagsanib sa kilusan ng manggagawa at magsasaka.

Sa kanyang mensahe sa Kongreso ng Bagong Alyansang Makabayan noong Hulyo 1998, nanawagan muli si Prof. Sison na panahon na para pagtulung-tulungan ng kilusan ang pagtatayo ng isang komprehensibong organisasyong masa ng kabataan na magmamana ng maningning na tradisyon ng KM.

Kagyat na sinimulan ang preparasyon para sa pagtatayo ng Anakbayan. Naglunsad ng mga serye ng kumperensya para buuin ang mga batayang dokumento ng Anakbayan. Prinsipal na sanggunian nito ay ang mga dokumento ng Kabataang Makabayan noong 1964-68. Naging mga resource persons sina Prof. Sison at si Prof. Monico Atienza na dating secretary general ng KM at iba pang beterano ng First Quarter Storm.

Sa una’y inakala na ang Anakbayan, dahil bubuuin ng kabataan mula sa iba’t ibang uri, ay magiging isang alyansa ng mga kabataan. Agad namang winasto ang konsepto at pinagtibay na ang Anakbayan ay tatayong isang organisasyong masa kung saan indibidwal ang batayan ng pagsapi. Pero nagbukas ang Anakbayan para sa pag-anib ng mga umiiral na organisasyon ng kabataan, tulad ng mga samahan sa komunidad, na nais ituring ang kanilang sarili bilang kasapi ng Anakbayan.

Nabuo ang National Organizing Committee ng Anakbayan sa tulong ng rin ng mga aktibista mula sa LFS at mga organisador mula sa UP, PUP at UE. Tumulong din ang Bagong Alyansang Makabayan at Kilusang Mayo Uno sa pagbibigay suporta sa noon ay maliit na National Organizing Committee ng Anakbayan.

Inilunsad ang Kumperensya ng Pagtatatag ng Anakbayan mula Nobyembre 28-30 sa Del Pan Sports Complex, Tondo, Manila. Katuwang ng NOC ang League of Tondo Youth na pormal na umanib sa Anakbayan. Kinupkop ng masa ng Tondo ang mga delegado mula sa iba’t ibang rehiyon. Kasama sa kumperensya ang lahat ng umiiral na pambansa demokratikong organisasyon ng kabataan at estudyante.

Malaki din ang tulong ng mga aktibista mula sa LFS, SCM, CNS, SND at iba pang pambansa demokratikong organisasyon kung saan nagmula ang unang mga kasapi at organisador ng Anakbayan.

Pinagtibay ang programa at konstitusyon ng Anakbayan, na humalaw ng aral mula sa mga dokumento ng pagtatatag ng KM 1964. Mahalagang gabay din ang mensahe sa kumperensya ni Prof. Sison bilang tagapagtatag ng KM.

Sa huling araw ay lumahok ang Anakbayan sa martsa protesta mula sa Liwasang Bonifacio.

Itinanghal ang Anakbayan bilang tapapagpatuloy ng di pa tapos na rebolusyon ni Bonifacio, at sanayan ng libo-libong bagong lider para sa hinaharap ng pambansa demokratikong pakikibaka. Niyakap nito ang oryentasyong “pukawin, organisahin at pakilusin ang kabataang Pilipino para sa pambansa demokratikong pakikibaka, at sumanib sa mas malawak na kilusan ng batayang masa”. Hangad nitong ipaglaban ang tunay na kalayaan at demokrasya, at mas maaliwalas na kinabukasan para sa kabataan at mamamayan. Nakatanaw ito sa sosyalistang hinaharap ng lipunan. Ipinaglalaban din nito ang trabaho, lupa, edukasyon, karapatan at serbisyong panlipunan bilang demokratikong interes ng kabataan.

Paghalaw ng karanasan

Ang unang 2 taon ng Anakbayan ay paghalaw ng karanasan sa komprehensibong pag-oorganisa at puspusang pakikibaka. Dito nagtulungan ang mga aktibista sa paaralan at komunidad para sa pagtatayo ng mga balangay ng Anakbayan. Sa Metro Manila, humalaw ng panimulang karanasan ang Anakbayan sa pag-oorganisa ng magkakaugnay na balangay ng eskwela at kalapit na komunidad.

Halimbawa nito ay ang PUP at mga komunidad sa Riles at Pandacan, UE Caloocan at mga karatig na komunidad, UP Diliman at mga komunidad ng UP at Commonwealth, UST at mga komunidad sa Sampaloc, Adamson University at mga komunidad sa San Marcelino at iba pa. Ang NOC ng Anakbyan ay humalaw naman ng karanasan sa Payatas sa Quezon City. Sa komunidad ay nakilala ng mga organisador ang mga out-of-school youth at mga kabataang manggagawa. Nakipagtulungan din ang Anakbayan sa bagong tayong Kadamay para mas lumawak ang naaabot nito.

Sa kanayunan, mabilis ding nabuo bilang Anakbayan ang iba’t ibang samahan ng kabataan sa komunidad. Nariyan ang mga Anakbayan na kabataang magsasaka, at mga kabataan sa komunidad ng minahan na nakaugnay din sa mga manggagawa ng minahan (Cordillera). Natatangi ang karanasan ng Jovenes ng Bicol na nauna pang naitayo sa Anakbayan. Sinaklaw nito ang lahat ng umiiral na organisasyon ng kabataan sa kanayunan at naging signipikanteng pwersa sa rehiyon.

Sa ilang rehiyon naman ay may maling pananaw na ang Anakbayan ay para lamang sa komunidad habang ang LFS at SCM ang mananatili sa paaralan. Hindi nasapol ng ganitong pagtingin ang oryentasyon ng Anakbayan na komprehensibong organisasyon, na tumatagos sa paaralan, komunidad at pagawaan. Mekanikal na aplikasyon ito sa konsepto ng Anakbayan.

Inilunsad ang Unang Regular na Kongreso ng Anakbayan noong taong 2000 sa Cebu. Dito ay pormal na kinilala ang mga naitayong balangay sa buong bansa. Nakapaghalal din ng regular na Pambansang Konseho at Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ang organisasyon. Kinilala din ang pagbubuo ng mga pangrehiyong pormasyon ng Anakbayan.

Taong 2000 nagbukas ng HQ ang Anakbayan sa komunidad sa P. Noval sa Sampaloc. Malapit ito sa mga paaralan at komunidad na inoorganisa ng Anakbayan. Ito ang nagsilbing mabilis na tipunan para sa pag-iisa ng mga plano at para sa pagdaraos ng pag-aaral. Maghapong bukas at gumagana ang HQ sa dami ng pag-aaral at pulong na dinadaos dito. Naorganisa na rin ang mga kabataang nasa paligid ng HQ. Ang barangay chairman sa lugar ay aktibista ng FQS kaya’t nakatulong din sya sa pagpapakilala sa Anakbayan sa komunidad.

Masaklaw na pulitika, masaklaw na organisasayon

Bilang pambansa demokratikong komprehensibong organisasyon ng kabataan, masaklaw at matalas ang pulitika ng Anakbayan. Sinikap nitong ilapat ang pambansa demokratikong linya at pagsusuri sa pagsusulong ng iba’t ibang pakikibakang masa. Ang islogan na “lumalakas, lumalawak, lumalaban: Anakbayan!” ang sumalamin sa pag-unlad ng organisasyon. Lumakas at lumawak ang organisasyon dahil ito ay militanteng lumaban para sa pambansa demokratikong interes ng kabataan at mamamayan.

Mula 1998, nakilala ang Anakbayan sa pamumuno nito sa iba’t ibang laban ng kabataan sa isyu ng karapatan sa edukasyon (badyet, TFI), pagtaas ng presyo ng langis, demolisyon sa komunidad, ratipikasyon ng Visiting Forces Agreement, at ang pakikibaka para patalsikin ang rehimeng US-Estrada. (May tampok bang anti-feudal na laban?)

Sa paglahok at pamumuno sa laban ng mga kabataan, naugnayan ng Anakbayan ang malawak na bilang ng mga kabataan sa paaralan, komunidad at trabaho. Naitayo ang mga balangay ng Anakbayan sa iba’t ibang lugar sa buong bansa. Sa lahat ng isyung kinasangkutan at pinamunan, palagiang mensahe ng Anakbayan ang pagtataguyod ng papel ng kabataan bilang isang makapangyarihang pwersa para sa pagbabago.

Mula 1999-2000 ay naging mahalaga ang papel ng Anakbayan sa pagsusulong ng laban kontra sa pagtaas ng presyo ng langis at deregulasyon at dayuhang monopolyong kontrol sa industriya. Kinatampukan ito ng sustenidong pagkilos laban sa kartel at rehimeng Estrada. Kabilang dito ang isinagawang mga pagharang sa oil depot sa Pandacan, ang protestang “Kalampagin ang Espana” na nilahukan ng mga residente at lokal na negosyante, pagsasara sa tanggapan ng Petron, at iba pang malaganap na protesta. Dahil sa naging prominenteng papel ng Anakbayan, kasama ang iba pang organisasyong kabataan, ito ay nanguna sa pagbubuo ng taktikal na alyansa ng mga transport groups na tutol sa pagtaas ng presyo ng langis.

Namuno ang Anakbayan sa laban para sa karapatan sa edukasyon. Ibinandila ang islogang “Edukasyon para sa lahat!” kakabit ng panawagan para itaas ang badyet para sa pampublikong edukasyon at tutulan ang pagtaas ng tuition at iba pang bayarin. Inilunsad ang mga lokal na laban sa maraming paaralan, kabilang ang mga itinuturing na mapanupil ang kalagayan. Sa simula ng laban ay maliit ang organisasyon ng Anakbayan, kalimitan ay antas balangay sa kolehiyo. Pero dahil sa pagtangan sa wastong linya at sa taktikang alyansa, nakakapagpakilos nang marami ang Anakbayan at iba pang progresibong organisasyon. Sa proseso ng paglulunsad ng laban makakapagpalawak ang Anakbayan.

Ang pag-oorganisa sa Lyceum, na direktang pinangangasiwaan ng pambansang opisina ng Anakbayan, ay nakapaglunsad ng walkout sa unibersidad kahit na isang maliit na balangay at impluwensya sa campus publication (CEGP) ang pinagsimulan.

Sa UP at PUP naman ay sumikad ang laban para sa dagdag na badyet na nakakabit sa mga lokal na isyu tulad ng dagdag na mga bayarin at komersyalisasyon ng serbisyo at assets ng pamantasan. Naging malapad din ang alyansa kontra sa budget cuts at nagawang sustenido ang mga pagkilos mula Kamara hanggang Senado at Malacanang.

Kasabay ng masiglang mga laban sa paaralan ay ang ilang mapangahas na pagkilos na ginawa ng Anakbayan at mga pambansang sektoral na organisasyon (LFS, SCM, NUSP, CEGP) sa loob plenaryo ng at mga committee hearings ng Kamara, mga rally sa harapan ng Senado, at mismong sa pintuan ng Malacanang. Kadalasan ay sasalubungin ng panunupil ang mga pagkilos na ito na nagreresulta sa pagka-aresto ng mga lider at kasapi o kaya’y matinding gitgitan sa mga pulis.

Ang laban sa mga SUC’s at pribadong paaralan ay nagsanib sa isang sektoral na pagkilos na nilahukan ng mahigit 2,000 estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad sa Metro Manila at karatig rehiyon kung saan may mga UP Campus (Los Banos at Pampanga). Naging kahinaan at pinuna ang adelantadong pagpapaigting ng gitgitan sa pulis sa panahong papalawak pa lamang ang protesta sa sektoral at pambansang antas.

Aabot din sa 4,000 ang all-UP rally laban sa pagbabawas ng budget sa edukasyon. Matapos ang rally sa Mendiola, nagmartsa ang mga estudyante patungong Manila Hotel para suportahan ang mga nagwewelgang mga manggagawa na sapilitang binubuwag ng mga pulis.

Namuno din ang Anakbayan sa mga laban sa komunidad lalo na sa usapin ng demolisyon. Mahalaga din ang naging papel nito sa laban para sa katarungan matapos gumuho ang Payatas dumpsite na ikinasawi ng maraming residente, kabilang na ang mga kasapi ng Anakbayan. Mas marami sanang kasapi ang namatay kung hindi umalis ng komunidad ng maaga ang mga Anakbayan para lumahok sa transport strike sa Welcome Rotonda noong araw ng Hulyo 10.

Simpleng organisasyon

Simple lang ang istruktura ng organisasyon ng Anakbayan. Sa panimula, kailangan lamang ng 11 kasapi para magtayo ng balangay. Ang 11 kasapi ay gagampan ng iba’t ibang gawain para lalo pang mapalawak ang saklaw ng Anakbayan at makonsolida ang kasapian nito tungo sa higit pang paglawak. Sistemang komite ang paraan para magampanan ang mga gawain ng balangay. Ito ang paraan ng pagpapakilos at pagpapalawak na rin. May opisyal para sa edukasyon at organisasyon (OD-ED) na magtitayak ng expansion at konsolidasyon. PADEPA ang balangkas ng pag-aaral na umiiral sa balangay.

Layon ng Anakbayan noon na magtayo ng pinakaraming balangay sa lahat ng lugar na may konsentrasyon ng kabataan: mula unibersidad, kolehiyo, departamento, classroom, komunidad, kalsada, lugar ng trabaho, opisina, at iba pa. Nilulutas din ng Anakbayan ang sitwasyon ng mga kabataang aktibista na graduate na sa paaralan at nagtatrabaho pero nais pang kumilos sa balangkas ng kilusang kabataan.

Naka-breakthrough din ang Anakbayan sa pag-oorganisa sa High School at kinalaunan ay nabuo ang komite para dito. Ayon sa Konstitusyon nito, ang pagsapi sa Anakbayan ay may minimum na edad na 13.

Nakapagpalakas ang Anakbayan sa pagsanib nito sa kilusan ng batayang masa. Naging sustenido ang pagsuporta ng Anakbayan sa mga welga ng SM, Manila Hotel, Grand Boulevard Hotel, Magnolia at LRT. Nagsilbing paaralan ng mga aktibista ang mga piket line. Sa mga komunidad naman, katuwang ang Kadamay, nakibaka ang Anakbayan para sa pabahay at serbisyong panlipunan. Nilabanan nito ang mga demolisyon sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos. Ang mga kasapi din ng Anakbayan ay sumanib sa kilusan ng magbubukid sa kanayunan. Ang ilan ay kumilos na ng buong panahon sa kanilang hanay. Ikinararangal ng Anakbayan ang mga kasapi nito na nag-alay ng buhay sa paglilingkod sa sambayanan, tulad nina kasamang Marvin Marquez ng Anakbayan Cebu na nag-alay ng buhay sa pakikibaka sa Bohol noong 1999.

Panahon ng daluyong

Ang Anakbayan ang unang naglabas ng islogang “Sobra nang pahirap, patalsikin si Erap!” noong 1999. Kaya maagap na nakatugon ang buong organisasyon sa panahong naging taktikal na labanan ang pagpapatalsik sa rehimeng US-Estrada sa huling kwarto ng taong 2000. Nauna pa dito, humugis ang malapad na hanay na anti-Estrada sa isyu ng Charter change noong 1999. Lalong naging aktibo ang malapad na hanay nang lumabas ang mga alegasyon ng kurapsyon sa jueteng.

Bukod sa progresibong kilusang masa, kasama sa mga humanay noon kontra kay Estrada ay ang mga paksyong Aquino-Cojuangco-Liberal Party, paksyong Lakas (Ramos-Arroyo), Nacionalista Party ni Villar, malalaking negosyante, mga matataas na opisyal ng simbahan (Cardinal Sin) at signipikanteng bahagi ng media.

Nakapagbuo ng malapad na alyansa ang sektor ng kabataan, ang Estrada Resign Youth Movement, na may kinatawanng kabataan mula sa mga malapad na pwersang kumikilos kontra kay Estrada. Namaksimisa ng alyansa ang mga personahe sa pulitika para sa mga porum sa paaralan, na naging paraan naman para maugnayan at mapakilos ang mas maraming kabataan. Nakatulong din ang mga alyado sa mobilisasyon ng mga kabataan.

Lumahok ang Anakbayan sa People’s Strike noong Nobyembre 16 at sa Lakbayan ng Mamamayan noong Nobyembre 29-30 sa Mendiola. Kasama rin ang Anakbayan sa mga pagkilos sa Ayala, Makati. Libo-libong kabataan mula sa mga komunidad at paaralan ang lumahok sa mga pagkilos na ito sa huling mga buwan ng rehimen.

Nang pumasok na sa impeachment trial ang Senado, naging mas malaganap at mapanlikha ang mga lokal na aksyon at kilos protesta ng Anakbayan. Mga kabataan mula sa komunidad ang nagprotesta sa harap ng Boracay Mansion ni Estrada sa New Manila. Anakbayan din ang unang nakapaglunsad ng protesta sa harap ng City Hall ng San Juan, gayundin sa mga bangko na sinasabing dinaluyan ng pera ni Estrada.

Lumahok ang Anakbayan sa tinaguriang “Jericho March” sa senado, at kinalaunan ay naagaw ang inisyatiba mula sa mga soc-dem noong kinagabihan sa vigil. Kinaumagahan matapos ang vigil, tumungo pa ang mga kabataan sa oil depot sa Pandacan para iprotesta ang pagtaas ng presyo ng langis.

Sa panahon ng daluyong ay lalong pinahigpit ang sistemang OD-ED para tiyakin ang pagpapalawak at konsolidasyon ng mga bagong kasapi. Sa lahat ng mga mayor na magkilos na nilalahukan ng libong estudyante, nagkakaroon ng mass orientation ang Anakbayan para ipaliwanang ang programa at konstitusyon nito. Matapos ang mass orientation ay ang maramihang pagpapasumpa (oathtaking) ng mga bagong kasapi sa gitna ng rally. Nagdadala ng sariling tent ang Anakbayan para sa mass orientation at nagpapalaganap ng mga membership forms. Walang panahon ang sinasayang para sa pagpapalawak ng kasapian.

Nagtayo ng vigil center ang Anakbayan sa Mendiola bilang tipunan ng mga kabataan na nais magtalakayan o gumawa ng mga placards at streamers para sa protesta. Dinala rin ang vigil center na ito sa harapan ng Senado sa panahon ng impeachment. Sa panahon ng Pasko at Bagong Taon ay aktibo ang Anakbayan sa pagsustine ng protesta sa Mendiola. Mariin din nitong kinondena ang Rizal Day Bombing na sinsasabing pang-divert ng atensyon mula sa mga eskandalong kinasasangkutan ng rehimen.

Inilunsad ang pulong ng Pambansang Konseho ng Anakbayan noong Enero 2001. Sa pulong ay tinanaw ang posbileng panahon ng pag-aalsa sa Pebrero, malapit sa anibersaryo ng EDSA 1, kapag hindi paborable ang resulta ng impeachment. Nagtala ng target na mobilisasyon ang Anakbayan sa buong bansa na aabot sa ilampung libo. Nakakasa ang buong organisasyon para ibayong isulong ang kilusang talsik.

Naging mas maaga sa inaasahan ang pag-aalsa. Gabi ng Enero 16 sa impeachment trial, hinarangan ng mayorya sa Senado ang sinasabing ikalawang envelope na naglalaman ng ebidensya kaugnay ng diumano’y bank account ni Estrada. Ang insidenteng ito ang nagsilbing mitsa ng pag-aalsa.

Agad na pumuwesto sa EDSA Shrine ang mga pwersa ng Bayan, pinakamarami dito ang mga kabataan. Nanawagan na rin si Cardinal Sin na tumungo sa EDSA. Nagmartsa mula sa kanilang mga dormitoryo ang mga estudante ng UP. Nagkaroon ng programa sa EDSA Shrine, at itinuring itong unang araw ng pag-aalsang EDSA 2.

Sa mga sumunod na araw, dumaluyong ang libo-libong kabataan mula mga paaralan at komunidad papuntang EDSA Shrine. Ang iba ay sumakay ng MRT habang ang karamihan ang nag-martsa mula sa iba’t ibang panig ng Metro Manila. Dumating din ang mga kabataan mula sa mga karatig rehiyon.

Ang poste ng mga kabataan sa mga unang araw ng EDSA 2 ay sa isang opisina sa Ortigas, na mula sa mga alyado. Dito nagplano para sa palakihin pa ang mga aksyon. Sa panahong ito ay araw-araw na walk-out na ang inilulunsad sa mga malalaking paaralan sa Maynila at Quezon City.

Sa gabi ng Enero 19, nagmartsa mula EDSA papuntang Maynila ang isang contingent ng Bayan na binuo ng iba’t ibang sektor kabilang ang mga kabataan. Layon ng grupo na ihanda na ang masa sa palibot ng Malacanang para sa pagdating ng main body ng mobilisasyon mula sa EDSA. Kaka-anunsyo lang nga withdrawal of support ng AFP at PNP sa rehimen.

Nagsalita ang Anakbayan sa programa sa EDSA ng Enero 20, sa pagitan ng 5am at 6am para ipanawagan ang pagtungo sa Mendiola para sa mapagpasyang pagtutuos sa rehimen. Ito ay sa panahong nagdadalawang isip ang mga soc-dem sa pagpunta ng Mendiola. Bandang 6am ay nag-anunsyo na na ang Bayan na tutungo na sa Mendiola ang buong mobilisasyon. Nagsimula na ang mahabang martsa na dadaan sa ilang lunsod bago umabot sa paanan ng Mendiola.

Tinatayang aabot ng 75,000 ang nagmartsa papunta ng Mendiola, karamihan ay kabataan. Sinalubong ito ng libo-libong mamamayan sa palibot ng Palasyo na lumabas noong umaga ng Enero 20. Bago pa man dumating ang hanay galing sa EDSA ay kumaripas na ng takbo ang mga suporter ni Estrada.

Sa pagdating ng libo-libong mamamayan sa palibot ng Malacanang, nilisan ni Estrada ang Palasyo sa pamamagitan ng ferry boat sa ilog Pasig.

Matapos ang kilusang talsik, tinatayang umabot sa 40,000 ang kasapian ng Anakbayan sa buong bansa. Umani ito ng libo-libong bagong kasapi sa panahon ng malawakang paglaban sa rehimeng US-Estrada. Natuto itong mamuno sa mga kabataan sa panahon ng daluyong.

Ang momentum na nilikha ng kilusang talsik ay nakatulong pa sa mga matagumpay na malapad na kampanya para buwagin ang ROTC nang sumunod na semestre. Susi ang Anakbayan sa pagsisiwalat ng pagpatay sa isang estudyante bunga ng kurapsyon sa ROTC sa UST. Nakapamuno ang Anakbayan sa malawak na protesta, boycott at walk-out na nagtagumpay sa pagbuwag ng ROTC.

Ang pag-oorganisa ng Anakbayan sa mga komunidad ay naging mahalagang pwersa din sa pambansang kampanya laban sa mataas na singil sa kuryente at PPA. Inabot ng gawaing alyansa ang mga lokal na opisyal sa barangay, mga lokal na negosyante, parokya at mga residente. Pinaka-epektibo ang mga “lights out protest” ng mga komunidad na may balangay ng Anakbayan. Sa malawak na kampanya ng mamamayan na pinangunahan ng Bayan, naibasura ang PPA sa electric bill, bagama’t itinago ang mekanismo sa “unbundling” ng power rates.

Sa unang tatlong taon ng Anakbayan, naging posible ang mga pagsulong at tagumpay dahil sa mga sumusunod:

  1. Mahigpit na pagtataguyod ng linya at programa ng pambansang demokrasya sa pagsusulong ng komprehensibong organisasyon ng kabataan. Sinikap ng Anakbayan na lubusin ang oryentasyon nito na pukawin, organisahin at pakilusin ang kabataang Pilipino para sa pambansa demokratikong pakikibaka, at sumanib sa kilusan ng batayang masa. Nakinabang din ang Anakbayan sa mga ipinamanang aral ng naunang Kabataang Makabayan at sa mga aral sa kasaysayan ng kilusang pagwawasto.
  2. Nakapagpalawak at nakapagpalakas ang Anakbayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga kampanya at pakikibakang masa. Hindi naging hadlang ang panimulang maliit ng balangay para sa paglulunsad ng mga laban. Katunayan, tanging sa paglulunsad ng mga laban nakakapagparami ang balangay. Pinatunayan ito sa maraming paaralan at komunidad kung saan nagsimula nang maliit ang Anakbayan pero nakapagpalaki dahil sa puspusang paglaban.
  3. Simpleng organisasyon ang balangay ng Anakbayan. Simple din ang pamantayan sa pagsapi; pagtanggap sa konstitusyon at programa. Nakadisensyo ang organisasyon para mabilis na abutin ang mga kabataan saan mang lugar na may konsentrasyon sila. Dahil inaabot nito ang iba’t ibang saray ng kabataan, nakakapag-ambag din ito sa pagpapalawak ng buong PD kilusan. Sistemang komite ang paraan para magampanan ang mga gawain ng balangay (tasking), habang tintinyak ng sitemang OD-ED ang expansion, disposisyon ng kasapi at konsolidasyon sa pamamagitan ng pag-aaral ng PADEPA.
  4. Handa at kasado ang Anakbayan at kilusang kabataan sa kilusang talsik laban kay Estrada. Dito umani ng tagumpay ang Anakbayan sa pagpapakilos, gawaing alyansa at pagpapalawak. Nakatulong ito para makilala sa buong bansa ang Anakbayan at ibayong mapalawak ang naabot ng pag-ooorganisa.
  5. Nakapagpalakas ang Anakbayan dahil mahigpit itong nakaugnay sa kilusan ng batayang masa sa mga pagawaan at lugar ng trabaho at sa mga komunidad sa kanayunan at kalunsuran. Dito natuto ang mga kasapi ng Anakbayan na magsagawa ng panlipunang pagsisiyasat, paglalapat ng pambansa demokratiko linya at pagsusuri sa kongkretong kalagayan at paglahok sa buhay at kamatayang pakikibaka ng mamamayan. Dito rin pinapanday ang komitment ng mga aktibista para sa pangmatagalang pakikibaka. Isang maningning na tagumpay ng Anakabayan ang malaking bilang ng mga kabataan ang kinalaunan ay naging bahagi ng kilusang paggawa, kilusan sa mga komunidad sa lungsod at sa kilusang masa sa kanayunan. Ipinagmamalaki natin ang mga kasapi ng Anakbayan ang nag-alay ng buhay para sa pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. ###

Comments are closed.