Magra-rally pa ba kayo?

Posted: June 1, 2016 in Uncategorized

cropped-img_3701.jpg

Ilang beses kong nabasa ang tanong na ito matapos i-anunsyo ang pagkakatalaga ng ilang mga progresibo sa susunod na Duterte administration. Dalawa sa mga progresibo ang hahawak sa DAR at DSWD. Tinuturing na mga progresibo din ang hahawak ng DOLE at DepEd.

 

Sa ganitong kalagayan, magra-rally pa ba ang Kaliwa?

 

Maikling sagot, OO naman. Marami pang problema ang mangangailangan ng sama-samang pagkilos. Hindi naman nalutas ang lahat ng problema ng bansa dahil lamang may bagong gobyerno. At hindi naman ang pag-upo sa gabinete ang katapusan ng ating gawain. Hindi cabinet appointment, kundi panlipunang pagbabago, ang ipinaglalaban natin.

 

Pero kung ang tanong ay “magra-rally na ba kayo laban kay Duterte?”, ang sagot diyan ay “hindi pa sa kagyat, wala pang dahilan”. Hindi dahil sangayon tayo sa lahat ng kanyang pahayag at lahat ng kanyang appointments. May pagkakaiba pa rin sa pananaw. Pero ang mga pagkakaiba ng pagtingin ay sisikapin idaan sa pag-uusap. Maaaring may ilang pagbatikos pero hindi naman antagonostiko ito. Tiyak na may pagtutunggali pero meron ding pagtitimpi. Sisikapin nating makitungo sa susunod na adminsitrasyon sa batayan ng kung ano ang makakabuti sa bayan. Pero hindi rin naman tayo mangingimi na makitunggali sa nakikita nating mga kamalian. Mananatili tayong mapagbantay. Karapatan at tungkulin ito ng mamamayan.

 

Ang malinaw, sinusuportahan natin ang mga progresibo at makabayang layunin at programa ng bagong gobyerno.

 

Masasabing iba ang turing natin kay Duterte kumpara sa trato natin kay Aquino ngayon. Hindi maaaring ipagpantay ang dalawa. Ibig sabihin, hindi tayo magsusunog ngayon pa lang ng effigy ni Duterte, tulad ng nakagawian natin kay Aquino. Pag-iibahin natin sila.

 

Kung ang CPP-NPA-NDF nga ay handang makipag-interim ceasefire sa Duterte admin matapos mapalaya ang mga political prisoners at maibalik ang usapang pangakapayapaan, tayo pa kaya? (Pero take note na ibababa lang ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kanilang armas kapag nagkapirmahan na ng isang pinal na kasunduang pangkapayapaan.)

 

Syempre, may mga protesta pa rin laban sa mga pwersa at interes na kontra sa reporma’t pagbabago. Laban sa mga hacendero na ayaw magpatupad ng land reform. Laban sa mga malalaking employer na ayaw itigil ang kontraktwalisasyon. Laban sa mga malalaking minahan sa sumisira sa kalikasan. Laban sa mga dayuhang pilit na ibinabalik ang mga base militar nila o mang-aagaw ng mga dagat at isla natin. Laban sa mga kurap at abusadong opisyal ng gobyerno. Laban sa militarisasyon ng mga Lumad. Laban sa bulok na estado at naghaharing sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal at para sa tunay na pagbabago.

 

Ang kaibahan lang ngayon, may ilang mga kakampi tayo sa gobyerno na katuwang sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago at paglilingkod sa sambayanan. Buo ang ating suporta sa kanila at hangad natin ang tagumpay nila. Alam nating hindi rin magiging madali ang gagawin nila lalo’t ngayon pa lang ay may mga nagnanais na sila ay mabigo.

 

Samantala, may isang bagay din na dapat nating bantayan. Ito yung pang-iintriga at panghahati. May mga Dilawan na kontra kay Duterte na ang nais ay udyukan ang Kaliwa na mag-rally para sa kanila. Ngayon pa lang, gusto na nilang ipambala sa kanyon at isubo sa labanan ang Kaliwa habang sila ay manonood lang at nakaabang sa Twitter. Ayos din, ano?

 

Huwag tayong magpadala sa ganitong pang-uudyok na kunwari ay prinsipyado pero ang totoo’y nang-uupat lang. Buti sana kung nag-rally sila laban sa lahat ng kabalbalan ni Aquino, may ascendancy silang maningil. Eh sa anim na taon ni Noynoy, ni hindi ko sila nakitang mag-rally habang pinapatay ang mga Lumad at mga magsasaka sa Mindanao.

 

Anyways, so ganun na nga. Madami tayong gagawin. Pagtulungan nating maisulong ang mga adhikaing makabayan at progresibo, sa loob man o labas ng gobyerno. Wala sa kamay ng isang tao ang pagbabago. Kalahok dito ang buong sambayanan. Magkikita-kita pa rin tayo, sa kalsada at kung saan-saan. ###

AFP_Getty-541575132-760x506

Advertisements

Comments are closed.